May 500 indibiduwal ang arestado, kabilang ang 28 na most wanted sa Region 3, iba’t-ibang uri ng baril, at mga nakamamatay na sandata gayundin ang mga iligal na droga ang nakumpiska sa 4 na araw na pinatinding police operations sa mga pangunahing lungsod at munisipalidad sa Central Luzon.
Ayon kay Region 3 Police Director, PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr. na ang magkakasunod na operasyon ay pagsunod sa marching order ni PGeneral Benjamin C. Acorda Jr, C,PNP, na paigtingin, pasiglahin at pagtuunan ang anti-criminality drive at anti-insurgency efforts ng PNP bilang bahagi ng kanyang 5-focused agenda.
Inihayag din ni PBGeneral Hidalgo Jr. na kanyang inatasan ang lahat ng provincial directors at chiefs-of-police na magsagawa ng mas pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) bilang bahagi ng pagsisikap na mabawasan ang krimen ng PNP upang maiwasan ang mga kriminal na magkaroon ng pagkakataon na makagawa ng krimen.
Dagdag pang naglabas din siya ng babala sa lahat ng kriminal na ang buong bisig ng batas ay gagamitin laban sa kanila kung magpapatuloy sila sa paggambala ng katahimikan at katiwasayan sa rehiyon.
Isinaad din ni PBGeneral Hidalgo Jr na ang PNP units sa Region 3 ay magpapatuloy sa pagsasagawa ng aktuwal at maagap na crime prevention drive sa pamamagitan ng pagtugis sa lahat ng wanted persons, linisin ang mga lansangan sa mga personalidad sa droga at kunin ang mga armas at iba pang instrumento ng karahasan mula sa kamay ng mga kriminal bago nila ito gamitin sa kasamaan.
Ibinunyag din ng top cop ng Central Luzon na mula Hulyo 19 hanggang 22, ang mga awtoridad ay nakaaresto ng kabuuang 488 indibiduwal, 28 sa kanila ay nakatala bilang Most Wanted, 146 ay may standing warrant of arrests para sa iba’t-ibang krimen, 184 ang arestado sa iligal na droga, 127 ang dinakip para sa iligal na sugal at tatlo ang nasa listahan bilang miyembro ng criminal gangs.
Dagdag pa ni PBGeneral Hidalgo Jr na ang kapulisan sa Central Luzon ay nakasamsam ng kabuuang 724.97 gramo ng shabu at 54.40 gramo ng tuyong dahon ng marijuana na may Standard Drug Price na Php4,636,205.20 at Php51,389.00 cash bets gayundin ang 32 assorted loose firearms na nakumpiska, isinuko at nahuli samantalang 94 baril ang isinuko for safe keeping.
Binigyang-diin pa ng Central Luzon police director na ang mga nabanggit na accomplishments partikular sa pagkaaresto ng mga most wanted na pugante, mga taong sangkot sa iligal na droga at street crimes ay resulta ng matibay na suporta ng mga local chief executives sa anti-criminality programs ng PNP-PRO3.
Umapela rin siya ng buong pagsuporta at kooperasyon ng publiko. (MICKA BAUTISTA)