Friday , November 15 2024

4PH ‘di magsisilbi sa pinoys na walang bahay, at hanapbuhay

072523 Hataw Frontpage

HATAW News Team

PINUNA ng iba’t ibang grupo ng urban poor sa bisperas ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang programang pabahay ng administrasyon na ‘masyadong nakasandal’

sa mga pribadong developer at lantad ang diskriminasyon laban sa pinakamahihirap na mamamayan.

Bilang pangunahing programa ng administrasyon, layon ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) na makapagtayo ng isang milyong abot-kayang pabahay kada taon upang matugunan ang naipong housing backlog na aabot sa 6.8 milyon.

Sa isang joint statement, ipinahayag ng mga lider ng urban poor organizations: hindi kakayanin ng pinakamahihirap na mamamayang nangangailangan ng bahay ang 4PH. Matapos ang anim na taon, maaaring magkabahay ang mga nakaaangat pero ang mahihirap ay hindi.

Paliwanag ng mga grupo, sa ilalim ng private-led housing development program, tanging mga pamilyang nasa lower hanggang middle-income lamang ang may kakayahang makakuha ng P1.1 hanggang P1.5 milyong housing loan mula Pag-IBIG dahil hindi kakayahin ng 1.7 milyong ‘poorest of the poor’ mula sa 6 milyong benepisaryo ang buwanang amortisasyon na nagkakahalaga ng P4,000.

Higit na mas mataas ang housing loans sa ilalim ng 4PH kaysa kasalukuyang loanable amount na P750,000 para sa socialized housing sa ilalim ng Pag-IBIG, na may buwanang amortisasyon na P2,445 para sa minimum wage earners at low-income families.

Ito ay hindi kakayahin ng informal settler families (ISFs) na namumuhay na kung walang trabaho ay hindi rin kikita nang regular.

Ang tinatayang P4,000 buwanag amortisasyon ay ibinase sa 1% interest rate na kakargohin ng pamahalaan.

Karaniwang nagpapataw ang Pag-IBIG ng 3% interest para sa mga socialized housing loans ngunit sa ilalim ng 4PH, tanging 1% lamang ang babayaran ng aplikante at ang natitira ay sasagutin ng pribadong developers na ikakarga sa mga benepisaryo sa pamamagitan ng Pag-IBIG.

Ngunit dahil ang proposed housing design ay high rise, sinabi ng mga lider ng urban poor na ang karagdagang bayad sa maintenance at operasyon ng mga gusali gaya ng elevators at iba pang amenities ay kokolektahin at maaaring maging dagdag sa buwanang singilin na P2,000 kada pamilya nangangahulugang aabot sa P6,000 ang kabuuang gastusin nila sa isang buwan para sa pabahay.

“Batay sa records, kahit sa mga kasalukuyang NHA projects, tanging 22% ng informal settlers ang nakakayang magbayad ng monthly amortization na P300. Ang P6,000 ay 20 beses na mas mataas sa kasalukuyang ipinapataw na halaga ng NHA, kaya ang 4PH ay maituturing na ‘impossible dream house’ para sa ‘poorest of the poor.’ Hindi pa nagsisimula ang proyekto ay disqualified na ang mahihirap,” patuloy na pahayag ng grupo.

Bilang tugon sa lumalaking krisis sa pabahay, sinabi ng mga lider ng mga maralitang tagalungsod na handa silang makipagtulungan sa pamahalaan, baon ang alternatibong mekanismo na gusto nilang ihain.

Kabilang dito ang mungkahing bibili ng lupa ang pamahalaan at kanilang ide-develop para sa murang pabahay upang bumaba rin ang gastos at maging mas abot-kaya para sa mahihirap.

Gustong makita ng grupo ang framework ng “People’s Plan” na ginamit ng pamahalaan sa pagpapatupad ng People’s Plan bill na inihain sa Kongreso upang matiyak na hindi ‘market’ ang tingin sa ISFs ng industriya ng murang pabahay kung hindi sila ay pangunahing partner at kalahok upang maisakatuparan ang layuning wakasan ng kawalan ng tirahan sa bansa.

Anila, nasa People’s Plan ang flexible housing program na makapagpapababa sa presyo ng pabahay at paggamit ng mixed-use development sa mga pabahay.

Tinututulan din ng grupo ang ekstensiyon ng NHA Charter dahil bigo ang ahensiya na resolbahin ang problema sa pabahay matapos ang ilang dekada at pagtatag ng DHSUD kamakailan.

Bilang alternatibo, iminumungkahi ng grupo na ang mga housing projects sa ilalim ng NHA ay maipamahagi nang libre sa mga benepisaryo katulad ng pagkakaloob ng mga lupa sa agrarian reform beneficiaries (ARBs).

“Kung ang ARBs sa kanayunan ay nabigyan ng Pangulo ng condonation at emancipation sa kanilang mga utang, maaari rin itong gawin para sa ISFs ng kalunsuran,” pahayag ng grupo.

               Sa State of the Nation Address (SONA) kahapon, ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., marami nang pinapuntahang groundbreaking ceremonies sa kanya si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar.

“Marami na po tayong groundbreaking ceremonies na nasimulan. Ang site inspection na ito ay parte lamang ng proseso upang matiyak natin na maitayo ang mga Pambansang Pabahay Para sa mga Pilipino (We have already had a lot of groundbreaking ceremonies. This site inspection is just part of the process to ensure the implementation of the 4PH).”

“Bale tinutukso ko ‘yung ating butihing Kalihim ng DHSUD, sinasabi ko sa kanya, ‘Panay ang groundbreaking natin baka hanggang diyan na lang ‘yan.’ Ika niya, ‘Hindi, pagka mayroon na tayong ipapakita, dadalhin kita doon para makita mo na talagang may tumatayo. Mukha namang totoo ang kanyang sinabi (I am teasing our good DHSUD secretary, and I told him ‘We are always breaking ground, it might end up to be just that.’ He said ‘No, if we already have something to show, I will take you there so you will see that they are truly being built.’ It looks like he is telling truth.”

Nitong Lunes, nangako si Marcos Jr., na palalawakin ang flagship  program ng administrassyon na “Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Program” (4PH) upang magkaloob umano ng abot-kayang pabahay sa milyon-milyong mahihirap na

mga Filipino.

“Papalawigin pa natin ang ating programa sa abot-kayang pabahay, lalo na para sa mga mahihirap nating kababayan (We will further expand the affordable housing program, especially for our poor countrymen),” pahayag ni Marcos sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Joint Session ng Kongreso sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City.

About hataw tabloid

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …