HABANG papalapit na ang July 25 na deadline ng SIM registration, naglunsad ang Globe ng isang kakaibang kampanya na ipinaKIkita ang halaga ng pagpapa-register ng SIM para makaiwas sa mga panganib online.
Sa nakaaaliw na kampanyang Number Mo, Identity Mo, ang mga social media account ng sikat na celebrities na sina Kuya Kim Atienza at Kiray Celis ay kunwaring “na-hack” ng mga talentadong stand-up comedians at improv artists.
“Ang online safety ay isang importanteng issue ngayong digital age. Sa tulong ng natatanging inisyatibong ito, hangad naming ipabatid sa customers na ang SIM ay mahalagang bahagi ng ating digital identity at dapat itong maprotektahan,” ani Yoly Crisanto, Chief Sustainability at Corporate Communications Officer ng Globe Group.
“Nais din naming ipaalala sa aming customers na kailangan nilang irehistro ang kanilang mga SIM bago ang July 25 na deadline para tuloy-tuloy magamit ang serbisyo ng Globe,” dagdag pa niya.
Ang mga customer ng Globe Prepaid, TM at Globe, at Home Prepaid WiFi ay maaaring magrehistro gamit ang GlobeOne app at ang SIM registration microsite ng Globe (https://new.globe.com.ph/simreg) anumang oras.
Ang mga may verified GCash account ay maaari rin gumamit ng GCash app. Maaari ring humingi ng tulong sa pag-register sa alinmang Globe Store at EasyHub sa buong bansa.
Ang mga subscriber ng Globe Postpaid, Globe Business Postpaid, at Globe Platinum ay kasama na sa database ng SIM registration. Para sa mga company-owned na Globe Business prepaid accounts, ang mga hakbang para mag-register o mag-update ng detalye ay ipinadala sa mga awtorisadong kinatawan ng kompanya.