Isang araw bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayon, Hulyo 24, ang Police Regional Office 3 sa Gitnang Luzon ay nakatuon na para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan gayundin ang kaligtasan ng publiko sa Batasan, Quezon City nang magpadala ito ng may 300 tauhan ng PNP para sa Civil Disturbance Management (CDM) operation.
Samantalang may 300 augmentation troops naman na mula sa Regional Mobile Force Battalion, Bataan, Pampanga at Angeles Police Offices ang naka-stand-by din at handa sa tawag ng tungkulin simula Hulyo 23.
Maliban sa ipadadalang augmentation troops, ang Reactionary Standby Support na binubuo ng may 300 tauhan ng PNP mula sa Regional Headquarters at iba pang provincial police offices ay inorganisa rin na mag-stand by sa kani-kanilang units para maging handa na mai-deploy sa utos kung kinakailangang lumitaw.
Dagdag pang nakatuon ang puwersa ng pulisya na isinasagawa sa lahat ng police units sa buong rehiyon na nakaantabay habang idinaraos ang kaganapan at umiiral ang ipinatutupad na Gun Ban mula 12:01 a.m. ng Hulyo 24 hanggang 12 a.m. ng Hulyo 25.
Ayon kay PRO3 Regional Director PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr., ang PRO3 ay nagpadala ng augmentation troops sa panahon ng SONA bilang bahagi ng pangkalahatang seguridad habang isinasagawa ang atibidades.
“Our personnel are reminded to observe “maximum tolerance” and to ensure they respect the human rights of protesters as they are again expected to hold rallies when the President delivers his 2ND SONA. I have also ordered for the intensified conduct of checkpoint operations particularly along major thoroughfares to ensure the maintenance of peace and order during said event and guarantee the strict implementation of the 24-hr Gun Ban,” pahayag pa ni PBGeneral Hidalgo, Jr.
Kaugnay nito, ang buong puwersa ng PNP ay inilagay sa full alert status simula Hulyo 23, 2023, 5:00 p.m. at mananatiling epektibo hanggang 12NN ng Hulyo 25, 2023. (MICKA BAUTISTA)