Sampung indibiduwal na pawang lumabag sa batas ang arestado sa sunod-sunod na operasyon ng pulisya sa Bulacan hanggang kahapon ng umaga, Hulyo 19.
Unang ulat na ipinadala kay Police Colonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ay ang pagkaaresto sa pitong drug dealers kabilang ang tatlong personalidad na nasa PNP/PDEA drug watchlist.
Ang mga suspek ay naaresto sa serye ng anti-illegal drugs operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Marilao, Baliwag, San Jose del Monte at Norzagaray C/MPS.
Kinilala ang mga arestadong suspek na sina Perlita Bernardo, John Jamito Isaac, Abraham Salas, pawang nasa PNP/PDEA watchlist, Ronald Tanguilig, Oliver Ortiz, Aristotle Dayao at Angel Mart De Ocampo.
Inaresto sila matapos magbenta ng iligal na droga sa SDEU operatives na poseur buyer kung saan nakumpiska sa kanila ang 13 pakete ng shabu, marked money at drug paraphernalia.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa pagsusuri samantalang ang mga suspek ay sasampahan sa korte ng kasong paglabag sa R.A. 9165.
Samantala, ang tracker teams ng Bulacan 2nd PMFC at CIDG Bulacan PFU ay nagsagawa ng manhunt operations laban sa mga indibibiduwal na may kinakaharap na kaso sa hukuman na kanilang pinagtataguan.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto ng dalawang wanted person na kinilalang sina Jun Tuazon para sa krimeng Acts of Lasciviousness kaugnay sa RA 7610; at Rolando Estanislao na may dalawang warrants of arrest para sa paglabag sa Section 10 ng RA 7610.
Sa pagresponde naman ng mga tauhan ng San Ildefonso MPS ay inaresto si Louie Bico matapos iulat na ito ay walang habas na nagpapaputok ng baril sa loob ng poultry farm sa Brgy Sta. Catalina Matanda, San Ildefonso, Bulacan.
Nakumpiska sa arestadong suspek ang isang Cal 9mm pistol na may trademark Taurus at isang magazine para sa 9mm pistol na kargado ng anim na bala ng Cal 9mm.
Ang narekober mula sa suspek na gagamiting ebidensiya ay isinumite sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa ballistic examination at beripikasyon sa Fireamrs and Explosives Office.
Ang mga nahuling suspek at akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kanilang aaresting unit/police station habang inihahanda ang karampatang kaso na ipapataw sa kanila..(Micka Bautista)