KINUWESTIYON man ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang pagtatanggal ng sapatos sa security screening sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), inirerespeto umano ito ng Office for Transportation Security (OTS), ngunit ipagpapatuloy ang nasabing proseso.
Ayon kay OTS Administrator, Undersecretary Mao Aplasca, inirerespeto nila ang opinyon ng alkalde sa pag-aalis ng sapatos ng mga pasahero, pero mauunawaan din ng LGU official kung siya ay nasa posisyon ng OTS .
Tumanggi si Aplasca na idetalye sa publiko ang mga security policy at procedures na isa sa mga dahilan kung bakit kailangan alisin ang mga sapatos ng mga pasahero sa tuwing dumaraan sa final security check point sa paliparan partikular sa NAIA terminals.
Binigyang-diin ni Aplasca, matagal nang ipinaiiral ang nasabing patakaran at nitong nakaraang linggo ay pinahigpit ang implementasyon upang matiyak ang seguridad ng air riding public.
Sinisikap umano ng OTS na gawing balanse at maginhawa ang paglalakbay ng mga pasahero tulad ng pagtatanggal ng initial security checkpoint sa mga entrance ng NAIA.