NASAKOTE ng pulisya nitong Huwebes, 13 Hulyo, sa lungsod ng Biñan, lalawigan ng Laguna, ang isa sa mga suspek sa kaso ng hazing na nauwi sa pagkamatay ng isang estudyante ng Adamson noong Pebrero na si John Matthew Salilig.
Sa ulat ni P/Col. Harold Depositar, Provincial Director ng Laguna PPO, kay P/Brig. Gen. Carlito Gaces, Regional Director ng PRO4-A, kinilala ang suspek sa alyas na Lester, nadakip ng mga awtoridad sa Brgy. San Francisco, sa nabanggit na lungsod noong Huwebes.
Inaresto si alyas Lester sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Armin Noel B. Villamonte ng Biñan City Regional Trial Court Branch 155 sa kasong paglabag sa RA 8049 na inamiyendahan ng RA 11503 o Anti-Hazing Act of 2018, walang inirekomendang piyansa.
Nakatala ang suspek bilang most wanted person sa regional level.
Matatandaang namatay si Salilig sa hazing rites ng Tau Gamma Fraternity.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Biñan CPS ang suspek para sa dokumentasyon at nararapat na disposisyon.