HATAW News Team
PINAYOHAN ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas nitong Linggo, 16 Hulyo, ang administrasyon na tumigil sa mga ‘rebranding project’ nito na tila nagiging obsesyon na at nagiging dibersiyon mula sa mga tunay na dapat trabahuin gaya ng pagbibigay ng mas mataas na sahod at disenteng trabaho para sa mga Filipino at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Pahayag ni Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party, nananatili ang slogan ng pamamahala ni Marcos na “Bagong Pilipinas” na puno ng kabalintunaan dahil patuloy na nalulugmok ang mga Filipino sa mabababang pasahod, mahirap na pamumuhay, at iba pang ‘Marcosian rule’ na hiwalay sa realidad.
Ani Brosas, hindi sagot ang ‘rebranding’ sa mababang pasahod, kahirapan, at sumasadsad na ekonomiya ng bansa.
Mas kailangan umanong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng makabuluhang pagtaas ng sahod, pambansang industriyalisasyon, at repormang agraryo para sa pangunahing pagbabagong ekonomiya.
Pagbibigay-diin ni Brosas, hindi matatakpan at mabubura ng kahit anong pagtatakip ng kasalukuyang administrasyon ang mga kasalanan ng mga Marcos sa mga mamamayang Filipino.
Imbes sayangin ang kaban ng bayan para sa mga rebranding projects, aniya, mas dapat pagtuunan ng pansin ng administrasyong Marcos ang mga hinaing ng mga ordinaryong Filipino para pababain ang presyo ng mga bilihin at pataasin ang sahod ng mga manggagawa.
Ayon sa mambababatas, ang sahod ng isang karaniwang manggagawang Filipino ay isa sa mga pinakamabababa sa rehiyon ng Southeast Asian.
Idinagdag ni Brosas, ang mga politikong mula sa mga dinastiya ang siyang nakaupo sa mga pangunahing posisyon sa ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaan.