NAGPASYANG lisanin ng mga opisyal ng isang high school sa bayan ng Magpet, lalawigan ng Cotabato ang kanilang paaralang nasa tuktok ng burol matapos tamaan ng landslide noong isang linggo bunsod ng malakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng kapahamakan sa mga estudyante at mga empleyado.
Pahayag ni Rovelyn Isogon nitong Biyernes, 14 Hulyo, Punong-guro ng Bongolanon National High School, hindi na ligtas ang paaralan para sa mga mag-aaral at mga guro dahil naapektohan ng naganap na landslide noong 8 Hulyo ang bahagi nito malapit sa tanggapan ng mga guro at napinsala ang pundasyon ng mga konkretong hagdang nagdurugtong sa paaralan at sa national highway.
Sa kabuuang 10 silid aralan, apat lamang ang nasuring ligtas para gamitin, habang ang lahat ay delikadong mapinsala o magiba dahil sa patuloy na paglambot ng lupang kinatatayuan nito dahil sa patuloy na pag-ulan.
Idinaos ang mga klase para sa 250 mag-aaral sa kalapit na junior high school building na karugtong ng barangay hall ng Bongolanon.
Ani Isogon, idinaos ang Moving Up Ceremony noong 11 Hulyo sa covered court ng pansamantalang campus na madaliang nagtayo ng entablado ang mga tauhan ng paaralan.
Itinayo ang paaralan noong 2015 sa 5,000 sq. m. loteng binili ng barangay para sa mga mag-aaral ng high school sa barangay.
Bago ang 2015, kailangang bumiyahe ang mga estudyante mula sa Bongolanon nang hindi bababa ng 30 minuto sakay ng habal-habal patungo sa Brgy. Tagbac, sa Magpet, o sa Brgy. Ginatilan sa Kidapawan.
Dagdag ni Isogon, 86 porsiyento ng kanilang mga mag-aaral at mula sa tribo ng Manobo mula sa mga komunidad sa paanan ng Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa.
Dagdag ng punong-guro, inabandona ng contractor ang P3-milyong halagang slope protection project na maaaring pumigil sa landslide.
Pahayag ni Arnulfo Villaruz, Cotabato provincial disaster risk reduction and management officer, iimbestigahan nila ang pagpapabaya sa proyekto na sinimulan noong isang taon.