NADAKIP ng mga awtoridad ang tatlong hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga at dalawang indibidwal na may kasong pang-aabuso nitong Sabado, 15 Hunyo, sa patuloy na pagsisikap ng pulisya na masawata ang kriminalidad sa Bulacan.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, naaresto ang tatlong suspek sa droga sa serye ng drug sting operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Pulilan at San Jose Del Monte C/MPS.
Kinilala ang mga suspek na sina Rommel Perez, Jeka Sumino, at Jessy Boy Cunanan na dinampot matapos makipagtransaksiyon sa mga operatiba.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang kabuuang walong pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at marked money.
Dinala ang mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa naaangkop na pagsusuri habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 na nakatakdang isasampa laban sa mga suspek.
Samantala, inaresto sa bisa ng mga warrant of arrest ng tracker teams ng Pulilan at San Jose Del Monte C/MPS ang dalawang suspek na kinilalang sina Jose Mendoza sa kasong Acts of Lasciviousness, at Jeros Garbo sa kasong Qualified Statutory Rape.
Pansamantalang ikinulong sa Pulilan at San Jose Del Monte C/MPS custodial facilities ang mga suspek para sa dokumentasyon bago sila dalhin sa korte na naglabas ng warrant of arrest laban sa kanila. (MICKA BAUTISTA)