NAILIGTAS ng mga awtoridad ang apat na batang magkakapatid, kabilang ang kambal na paslit, na pinaniniwalaang dumanas ng pang-aabusong sekswal habang ‘isinusubasta’ online ng kanilang sariling mga magulang sa Brgy. Taculing, lungsod ng Bacolod, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Biyernes, 14 Hulyo.
Ayon kay P/Capt. Christine Cerbo, OIC ng Women and Children Protection Desk (WCPD) – Bacolod, pinangunahan ng Women and Children Protection Center (WCPC) – Visayas Field Unit ang pagkakasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa isang 28-anyos babae at kanyang 35-anyos na kinakasama.
Humiling ng search warrant ang pulisya upang masuri ang computer ng mga suspek na pinaniniwalaang naglalaman ng datos ng sexual exploitation.
Inisyu ang search warrant ni Presiding Judge Fernand Castro ng Bacolod City Regional Trial Court Branch 41.
Dagag ni Cerbo, nasagip ang 6-anyos batang lalaki, 9-anyos batang babae, at 2-anyos na kambal mula sa kanilang bahay at dinala sa Balay Pasilungan sa Bacolod CPO habang hinihintay na masuri ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nabatid na ‘isinusubasta’ ng mga magulang sa mga dayuhan online ang mga hubad na larawan ng magkakapatid.
Dahil sa mga sensitibong mga detalye ng kaso, hindi muna pinangalanan ni Cerbo ang mga suspek.
Narekober ng pulisya sa operasyon ang tatlong cellphone, laptop, passport, at sari-saring ID.
Kasalukuyang nakakulong ang magulang na suspek sa Bacolod Police Station 6 at nakatakdang kaharapin ang kasong child trafficking.