ISANG babaeng nakatala bilang most wanted ang nadakip ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong suspek na si Daisy Javier, 26 anyos, residente sa J. Pascual St., Brgy. Tangos-North ng nasabing lungsod.
Sa ulat ni Col. Umipig, nagsasagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni P/CMSgt. Ronie Garan at Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Cpt. Luis Rufo, Jr., ng joint manhunt operation laban sa wanted persons.
Dakong 1:30 pm, naaresto sa naturang joint operation ang akusado sa M. Valle St., Tangos-South, Navotas City.
Ani Col. Umipig, ang akusado ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Benjamin T. Antonio, Judge Regional Trial Court Branch 170, Malabon City noong 10 Hulyo 2023, sa kasong paglabag sa Sec. 10 (a) of RA 7610 in relation to Sec. 3 (b)(2) of the same law (two accounts).
Ang dalawang kaso ng paglabag ay may kinalaman sa child abuse at child trafficking.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Navotas police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order ng korte. (ROMMEL SALES)