Nagwakas ang matagal na pagtatago sa batas ng dalawang lalaki na may mga kinakaharap na kaso sa hukuman nang maaresto ang mga ito sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Bulacan kamakalawa.
Ang akusadong si Vincent Paul Lanaria ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig ay naaresto ng tracker team ng Bulacan 2nd Provincial Force Company sa bisa ng Bench Warrant of Arrest para sa kasong paglabag sa Sec,5 (B) ng R.A. 9262 sa Clark International Airport, Mabalacat, Pampanga.
Sumunod na naaresto ng mga tauhan ng Guiguinto MPS si Gallardo Romeo ng Balagtas, Bulacan sa bisa ng Warrant of Arrest para sa krimeng Acts of Lasciviousness na nasukol sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Napag-alamang matapos sampahan ng kaso ay naging madulas sa pagtatago ang dalawang akusado na masusi namang tinugaygayan ng mga awtoridad ang kanilang mga kilos hanggang tuluyan na silang naaresto.
Ang dalawang arestadong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unity/ station para sa nararapat na disposisyon.
Kasunod nito ay ipinahayag ni Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, na patuloy ang maigting na determinasyon na ipinapakita ng kapulisan sa pagtugis at madakip ang mga wanted na indibiduwal sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)