ARESTADO ang walong hinihinalang tulak at limang sugarol nitong Sabado, 8 Hulyo, sa patuloy na pagsisikap ng Bulacan PPO kontra kriminalidad at iba pang ilegal na gawain sa lalawigan.
Kinilala ang mga suspek na nadakip sa serye ng drug sting operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Angat at San Jose Del Monte C/MPS na sina Ralph Carlo Jimenez, Rose Anne Dumayas, Editha Bacon, pawang kabilang sa PNP-PDEA unified drug watchlist, Joseph Bravo, alyas Latik, at apat niyang kasabwat.
Nasakote ang mga suspek matapos kumasa sa pakikipagtransaksiyon sa droga sa mga pulis na nagpanggap na posuer buyer.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang kabuuang 25 pakete ng shabu, drug paraphernalia, at marked money.
Dinala ang mga suspek at mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa pagsusuri habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 20023 na isasampa laban sa kanila sa korte.
Samantala, sa pagasasagawa ng mga tauhan ng Malolos at Pulilan C/MPS anti-illegal gambling operation, nadakip ang limang suspek na kinilalang sina Ronnie Carcer, Cristina Santos, Maylen Mita, Richard Rafallo, at Franklin Republican na huli sa aktong nagsusugal ng tong-its.
Nasamsam mula sa mga suspek ang barahang ginamit sa pagsusugal at perang taya.
Pahayag ni P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, patuloy ang pulisya sa lalawigan sa maigting na kampanya laban sa mga kriminal para dalhin sila sa likod ng rehas ng hustisya. (MICKA BAUTISTA)