TULUYAN nang bumaba sa minimum operating level ang tubig sa dalawang dam na matatagpuan sa Brgy. San Mateo, sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa ulat mula sa Pagasa, nasa 179.99 metro na lamang ang tubig sa Angat Dam na mas mababa sa 180-metrong minimum operating level.
Dagdag sa pahayag ng Pagasa, mas mababa ito ng 0.46 meter kompara sa 180.45 metro na naitala kamakalawa ng umaga, Hulyo 7.
Nabatid, nasa 210 metro ang normal high water level o spilling level ng Angat Dam na halos 90 porsiyento ng mga residente ng Metro Manila ang sinusuplayan ng tubig mula rito.
Samantala, ang katabi nitong Ipo Dam, sa kabila ng patuloy na pag-ulan ay bumaba sa 98.76 metro ang water level kompara sa minimum operating level nito na 101 metro.
Ayon sa National Water Resources Board (NWRB) ay maaaring bawasan ang water allocation sa Metro Manila kapag bumaba pa ang water level sa Angat Dam. (MICKA BAUTISTA)