MAHIGIT P2.1 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa isang tulak ng ilegal na droga na itinuturing bilang high value individual (HVI) matapos masakote sa ikinasang buybust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon City police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek na si Edward Rosario, alyas Nyuk, 36 anyos, auto-mechanic, residente sa Heroes Del 96 St., Brgy. 74, Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., dakong 8:40 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police ng buybust operation matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ng shabu ang suspek.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer ang nagawang maka-order sa suspek ng P10,000 halaga ng shabu at makikipagkita sa Duhat St., Brgy. Potrero, Malabon City si Rosario para ganapin ang kanilang transaksiyon.
Nang tanggapin ni Rosario ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad lumapit ang back-up operatives saka inaresto ang suspek.
Nakompiska sa suspek ang 317.42 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price value na P2,158,456 at buybust money na isang P1,000 bill, kasama ang 10-pirasong P1,000 boodle money.
Ani P/MSgt. Randy Billedo, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)