Matapos ang may ilang buwang pagtatago ay tuluyang nahulog sa kamay ng batas ang suspek sa pagpatay ng isang binatilyo sa insidente ng road rage sa Norzagaray, Bulacan noong nakaraang taon.
Ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang umaresto sa suspek sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur nitong Hunyo 28.
Sa naantalang ulat kamakalawa, Hulyo 1, ang mga tauhan ng CIDG ay naaresto si Michael Torrazo, 42 sa kanyang bahay sa Brgy San Lucas, Calabanga matapos i-hostage ang kanyang sariling pamilya ng mahigit isang oras.
Si Torrazo ang pangunahing suspek sa pagpatay sa binatilyong si John Paul Benedicto sa naganap na road rage sa Norzagaray, Bulacan noong Nobyembre 7, 2022.
Napag-alaman mula sa CIDG na ang suspek ay pumalag pa nang aarestuhin at binaril ang mga operatiba gamit ang sumpak pero nag-jammed ito.
Dito na gumanti ng putok ang mga awtoridad sanhi upang masapol ng bala ang suspek sa kanang hita nito.
Pero may hawak pa itong granada at ginawang human shield ang pamilya na pinagbantaang ihahagis ang explosibo sa kanila.
Ang hostage drama at negosasyon ay tumagal ng mahigit isang oras hanggang kalaunan ay sumuko na rin ang suspek dahil sa nararamdamang sakit sa tama ng bala sa hita.
Nakatakdang dalhin sa Norzagaray, Bulacan ang suspek kung saan naganap ang insidente at dito harapin ang kinasangkutang kaso. (Micka Bautista)