ISA-ISANG NAHULOG sa kamay ng batas ang limang tulak kabilang ang mag-asawa at anim na kataong wanted sa patuloy na operasyon ng pulisya laban sa kriminalidad sa lalawigan ng Bulacan ntong Sabado, 24 Hunyo.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, dinakma sa ikinasang buybust operations ng Malolos, Balagtas, Hagonoy, at San Miguel C/MPS Drug Enforcement Units ang limang nakatalang street level individuals sa ilalim ng PNP/PDEA drugs watchlist.
Inaresto ng mga operatiba ng San Miguel MPS ang suspek na kinilalang si Norman Manalaysay at kanyang kinakasama na katuwang niya sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Sa hiwalay na operasyon ng mga tauhan ng Malolos, Balagtas, at Hagonoy C/MPS DEUs, nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Erwin Marcelino, Remigio De Leon, at Alberto Perez.
Nasamsam sa isinagawang operasyon ang may kabuuang 18 selyadong pakete ng plastik ng hinihinalang shabu.
Samantala, sa kampanya laban sa wanted persons, nasakote ng mga tracker team ng Meycauayan, Sta. Maria, Baliwag, Plaridel, at San Jose del Monte C/MPS ang anim na indibiduwal sa bisa ng mga warrant of arrests laban sa kanila. (MICKA BAUTISTA)