PORMAL na binuksan sa publiko ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang bagong renovate na sports complex bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-16 na anibersaryo ng lungsod.
Nagtatampok ang bagong ayos na pasilidad ng full-length na basketball court, fully air-condition na mga dugout, at espasyo para sa gym.
“The Navotas Sports Complex bore witness to some of our city’s milestone events. Most notably, this place served as our mega swabbing and vaccination center during the peak of the pandemic,” ani Mayor John Rey Tiangco.
“We have improved the facility to provide a better experience to Navoteños when we hold events here,” dagdag niya.
Sinabi ni Cong. Toby Tiangco, hinihimok niya ang mga mamamayan na pangalagaan ang complex para mas matagal itong magamit.
Tatlo sa mga top players ng Philippine Basketball Association na sina LA Tenorio, Terrence Romeo, at Paul Lee, ang dumalo sa okasyon bilang mga espesyal na panauhin. Hinikayat nila ang mga Navoteño, lalo ang mga kabataan, na pumasok sa sports at magpatibay ng aktibong pamumuhay.
Pagkatapos ng blessing, sumunod ang isang exhibition game sa pagitan ng Team JRT, na binubuo ng mga konsehal ng lungsod, at ng Team DepEd Navotas, na kinabibilangan nI Navotas Schools Division Superintendent Meliton Zurbano at mga guro mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Navotas.
Dinomina ng Team JRT ang kompetisyon na may isang puntos na lamang, 81-80. (ROMMEL SALES)