Nagwakas ang maliligayang araw ng isang notoryus na tulak ng iligal na droga nang ito ay tuluyang mahulog sa kamay ng batas sa Angat, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala ni Police Major Mark Anthony L. San Pedro, hepe ng Angat Municipal Police Station (MPS) kay Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang arestadong suspek ay kinilalang si Rozano Pascual ng Brgy. San Roque, Angat, Bulacan.
Inaresto ang suspek ng mga tauhan ng Angat MPS sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA 3) matapos na magpositibo ito sa pangangalakal ng iligal na droga.
Nakumpiska sa suspek ang apat na piraso ng selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may timbang na 0.166 gramo at may street value na PhP 2, 000.
Napag-alamang parang kendi lamang kung magbenta ng shabu ang suspek at kahit sa kalye ay nag-aabutan sila ng mga suking user kaya naman tinagurian siyang notoryus na tulak ng bayan.
Nakadetine na ang suspek sa Angat MPS at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.(Micka Bautista)