Halos nalimas ang laman ng vault ng isang sanglaan nang pasukin at pagnakawan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Napag-alamang Martes ng umaga nang makita ng mga tauhan ng pawnshop na may butas ang sahig ng kanilang pinaglilingkurang establisyemento.
Ipinagbigay-alam nila ito sa San Jose del Monte City Police Station (CPS) na kaagad nag-imbestiga hanggang nakita ng mga operatiba na ang butas ay nakadugtong sa kanal na pinaniniwalaang hinukay ng mga suspek.
Sa paghahalughog ng pulisya ay narekober nila ang ilang gamit sa paghuhukay ng lupa at pagputol ng bakal na iniwanan ng mga suspek matapos makapangulimbat sa pawnshop sa pamamagitan ng pagsira sa vault.
Sinasabing ang ganitong estilo ay trabaho ng tinaguriang “termite gang” na ang mga miyembro ay dating mga minero kaya bihasa sa paghuhukay ng lupa.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang kabuuang halaga ng pera, alahas at iba pang aria-arian na natangay sa niloobang pawnshop.
Kasunod nito ay isang manhunt operation ang ikinasa ng mga operatiba ng SJDM CPS upang makilala at matunton ang mga suspek sa pamamagitan ng pagsasagawa ng backtracking ng mga CCTV sa paligid.(Micka Bautista)