ISANG petition letter ang kumakalat ngayon sa Enlisted Men Barrio (Embo) barangays sa Makati City na tila hinihimok ang mga residente na lumagda sa isang petisyon na nanghihikayat na iakyat ang usapin ng Makati-Taguig territorial dispute sa Kongreso.
Nakapaloob sa isang pahinang petition letter, may kapangyarihan umano ang Kongreso na magtakda ng referendum o people’s initiative sa ilalim ng 1987 Constitution, layunin ng petisyon na mangalap ng sapat na pirma para pakinggan ang petisyon ng mga mambabatas.
Walang nakalagay na pangalan kung sino ang namuno sa ipinakakalat na petisyon maliban sa “Mamamayan ng Makati.”
Nakasaad dito, ang paghingi ng saklolo sa Kongreso ng mga residente ay magiging ‘last recourse’ matapos magpalabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagtatakda na ang 10 Embo barangays kabilang ang Bonifacio Global City ay nasa hurisdiksiyon ng Taguig City.
“Dumating sa aming buhay na sa utos ng Korte Suprema na sinasabing ang EMBO ay sakop ng Taguig na labis na nagdulot sa amin ng kalitohan at kulungkutan; KUNG KAYA’T sa pamamagitan nito ay magalang na hinihiling sa pamamagitan ni CONG. KID PEÑA at CONG. LUIS CAMPOS ang pagkakaroon ng REFERENDUM batay sa PEOPLES INITIATIVE CLAUSE ng 1987 CONSTITUTION,” saad sa petisyon.
Ikinatuwiran sa petisyon na minsan nang kinilala ng Kongreso ang pagiging lehitimo ng Embo nang isabatas nito ang pagkakaroon ng ikalawang distrito ng Makati kaya naman ito rin ang magreresolba sa Taguig-Makati territorial land dispute.
Ang lumabas na signature drive ay kabaliktaran sa tunay na sentimiyento at sa natanggap ng mga ilang opisyal ng pamahalaang lungsod ng Taguig na liham mula sa mga residente ng Makati na humihiling na bilisan ng lungsod ang gagawing transisyon.
Tumanggi ang mga opisyal ng Taguig na isapubliko ang pangalan ng grupo ng mga residente sa Makati para sa kanilang proteksiyon.
Anila, sa nasabing liham ay ikinuwento ng ilang residente ang sitwasyon sa kanilang barangay na ang mga hayagang nagpapakita ng kanilang suporta sa Taguig ay sapilitang pinagbibitiw sa trabaho.
“Other employees were forced to make a letter addressed to Malacañang that they don’t like Taguig. If they do not submit, they cannot get their midyear bonus. The same things are being imposed on some private citizens especially those with businesses.”
Ayon sa mga residente, nais nilang makawala sa kaguluhan na nangyayari dahil sa awayan.
“Please extend the needed hope for our constituents who only want to be free from suppression and cruelty that has been a result of the family feud of the Binay siblings. Our people only want to have a decent life and work,” nakasaad pa sa liham.
Inamin ng mga residente, ang nasa likod ng mga negatibo at paninira sa Taguig ay mismong mga barangay officials na pawang appointed o nasa hold over position.
“They are not doing service to the people, instead they are busy suppressing and twisting the mindset of the people on the issue of Taguig vs Makati,” ayon sa mga residente.
Ang 30-taong territorial dispute ng Makati at Taguig ay nadesisyonan na ng Korte Suprema, iniutos nito na ang BGC at Embo barangays ay sakop ng Taguig at iniutos din ang agarang implementasyon ng kautusan.