Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
HINDI suportado ng ‘Makatizens’ si Makati City Mayor Abby Binay sa pahayag nitong “tuloy ang laban” sa isyu ng paglilipat ng 10 barangay sa hurisdiksiyon ng Taguig dahil ang totoo ay marami ang nais na talagang mag-over-the-bakod, ang kanilang dahilan — makaiwas sa sobrang pamomolitika sa lungsod.
Hindi lingid sa ating kaalaman ang mainit na bangayan ng Binay siblings, sina dating Makati City Mayor JunJun Binay at Mayor Abby. Sa tindi ng away, maging si dating Vice President Jejomar Binay ay tiklop at hindi nakikialam sa away ng magkapatid. Ang naiipit sa gitna ng ganitong away ay ang constituents.
Nang lumabas ang final and executory decision ng Korte Suprema sa Taguig-Makati territorial dispute maraming residenteng nakapanayam ng media ang nagsabing bukas sila na lumipat sa Taguig para maiba naman ang “political atmosphere.”
Hindi isyu sa kanila ang benefits na natatanggap ng Makati gaya ng sinasabi ni Mayor Abby dahil parehas lamang ng Makati ang Taguig pagdating sa benepisyong naibibigay sa kanilang mga residente.
Sa katunayan, isyu pa nga ‘di ba ang pagtanggap ng benepisyo sa Makati dahil iniaangal na ang benepisyo ay para lang sa Binay supporters.
Ang hangad ng mga residente ay magkaroon ng kapayapaan at makaiwas na sa pamomolitika. Ramdam natin ang sentimiyento ng Makatizens dahil nakapapagod at nakasasawa naman talaga ang bangayan sa politika, lalo sa Makati na teritoryo ng mga Binay.
Para patunayan ang sinasabi, isang liham mula sa PEMBO residents ang kanilang ipinadala sa Taguig LGU. Nakasaad sa dalawang-pahinang sulat ang kanilang kagustohan na makompleto na ang takeover sa kanila ng Taguig.
“Please extend the needed hope for our friends and constituents who only want to be free from suppression and cruelty that has been a result of the family feud of the Binay siblings. Our people only want to have a decent life and work. We don’t have anything to do with their sibling’s rivalry.”
Mababasa sa sulat ng PEMBO residents na nagpapasaklolo sila sa Taguig para bilisan ang transisyon at maging residente na sila ng Taguig.
Si Mayor Binay din ang dahilan ng pagkawatak watak ng suporta sa kanya ng kanyang constituents, ang pagmamatigas niyang ituloy ang laban sa territorial dispute ay lalo lamang nagdudulot ng tensiyon at sa bandang huli ay mismong residente na ang umaayaw at nagsasabing “awat na Mayor, Kataas taasang hukuman na ang nagtuldok na kami ay para sa Taguig.”