ARESTADO ng mga awtoridad ang tatlong hinihinalang tulak na armado ng baril sa pinaigting pang operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 17 Hunyo.
Sa ulat kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga suspek na sina Gerald San Jose, 43 anyos; Ana Marie Lagunoy, 38 anyos; at Edilberto Delos Santos, 56 anyos, dinakip ng mga tauhan ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) nang maaktohang nagbebenta ng hinihinalang ilegal na droga.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 baril na walang serial number; tatlong pirasong bala ng kalibre .38; 21 piraso ng bala ng .9mm baril; isang kulay camouflage na sling bag; isang kalibre .9mm hand gun; isang piraso ng magasin ng .9mm baril; at tatlong piraso ng selyadong pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na limang gramo at tinatatayang nagkakahalaga ng P34,000.
Sinabing ipinananakot ng mga suspek ang mga nakasukbit na baril sa kanilang mga parokyano partikular sa mga hindi nagbabayad. (MICKA BAUTISTA)