PINANGUNAHAN ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagdiriwang ng ika-125 Araw ng Kalayaan ng Filipinas sa makasaysayang Bonifacio monument.
Sinimulan ni Mayor Along ang kanyang talumpati sa pamamagitan ng pagkilala sa sakripisyo ng mga pambansang bayani na nagdulot ng malaya at magandang kinabukasang tinatamasa ngayon ng mga Filipino.
“Noong ipinaglaban ng ating mga sinaunang bayani ang kalayaan ng ating bansa, tiyak ko na ang nasa isip nila ay ang kinabukasan ng bawat Filipino at ng susunod na henerasyon.
“Dahil sa kanilang pakikipaglaban at sakripisyo, ginugunita natin ang pagiging isang malayang bansa ng Republika ng Filipinas,” pahayag ni Mayor Along.
Nanawagan ang City Mayor sa lahat na ipagpatuloy ang laban para sa kasarinlan, sa pagkakataong ito ay ang laban aniya sa kahirapan at iba pang isyung panlipunan ng kasalukuyang lipunang Filipino para sa kapakanan ng mga susunod pang henerasyon.
“Nais kong himukin ang bawat Filipino na ituloy natin ang ipinaglaban ng ating mga bayani, ituloy natin ang laban para sa ating mga karapatan, ang laban kontra kahirapan at iba pang suliranin ng lipunan upang sa mga darating na panahon ay patuloy na matatamasa ng ating mga anak at ng susunod na henerasyon ang kalayaan na mayroon tayo ngayon,” dagdag niya.
Sinabi ng lokal na punong ehekutibo na nagtitiwala siya na ang bawat Filipino ay magkakaroon ng pagbabago at binigyang diin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng nasyonalismo at pagpapahalaga sa soberanya ng bansa. (ROMMEL SALES)