UNTI-UNTI nang gumawa ng sariling pangalan sa showbiz industry ang 16 year old singer/actress na si Shira Tweg. Matapos gumanap bilang young Sharon Cuneta sa nakaraang Metro Manila Film Festival 2022 movie na Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, The Rey Valera Story ay nag-launch naman ito ng kanyang kauna-unahang single na pinamagatang Pag-ibig under Star Music.
Bata pa lang itong si Shira ay pangarap n’ya na talagang maging singer at artista. Very promising din naman ang acting ng batang ito dahil napanood din ang acting nito sa isang advocacy film about AIDS na pinamagatang Sugat sa Dugo kasama ang magagaling na actress na sina Janice de Belen at Sharmaine Arnaiz.
Natanong tuloy ng ilang press kung sino ang pinapangarap niyang makatrabaho sa mga susunod niyang projects.
“Daniel Padilla po, I’m a big fan of KathNiel. Pinanonood ko po lahat ng pelikula ng KathNiel. Kahit younger sister lang po ni Daniel po. Okay na po sa akin,” pahayag ni Shira.
Matapos gumanap bilang young Sharon may nilulutong project sa kanya at gagampanan naman ang young Nora Aunor.
“May niluluto pong project para sa kin na ako raw ang gaganap na young Nora Aunor, pero ‘di pa po sure ‘yun. Sana po matuloy dahil, it’s an honor para gampanan ang role ng isang young Nora Aunor, our National Artist.”
Kamakailan ay inilunsad ang kanyang latest single na Pag-ibig sa Music Box kasama ang kanyang co-artist na sina Christi Fider na inilunsad naman ang latest EP kasama ang kantang Reyna at Fake. Kasama rin ang sikat na Tiktoker at pinakamasungit na tindera sa social media na si Bernie Batin inilunsad din ang kauna-unahan niyang single na Utang Mo. (Allan Sancon)