SINUNGGABAN at inagaw ng dating kaklase ang baril ng isang negosyante na ipagyayabang sana ngunit inakala ng biktima na gagamitin ito sa kanya ng suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas, nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan si Arnold Arigadas, 40 anyos, ng 134 Sitio Santo Niño, Governor Pascual St., Brgy. Concepcion nang dumating ang suspek na si Oliver Duque, 38 anyos, businessman ng #63 Kaunlaran St., Brgy. Muzon dakong 10:00 pm at niyaya ang dating kaklase dahil may ipapakita umano sa kanya.
Pagsapit ng dalawa sa madilim na bahagi ng Kasarinlan St., Brgy Muzon, bigla umanong binunot ng suspek ang kalibre .45 baril na may magazine at kargado ng pitong bala ngunit bago pa umano maitutok sa biktima ay nakipag-agawan na ito hanggang makuha ang armas.
Dahil dito, nagtatakbo ang suspek palayo kaya’t nagpasiya ang biktima na ibigay sa kanyang kapatid ang baril upang isuko kina P/SSgt. Jerson Bauzon at P/Cpl. Ramrod Reyes ng Malabon Police Sub-Station 7 na nagresponde sa lugar.
Ayon sa mga nakasaksi, ipagyayabang umano ng suspek sa biktima ang dalang baril ngunit inakala ng huli na gagamitin ito sa kanya kaya’t kaagad siyang nakipag-agawan.
Iniutos na ni Malabon City Police Chief P/Col. Amante Daro ang pagtugis sa suspek na sasampahan ng kasong grave threat bagama’t puwede pang madagdagan kapag nabigo siyang magpakita ng mga papeles na magpapatunay na lisensiyado at may permit to carry ang baril. (ROMMEL SALES)