INALMAHAN ng netizens ang paninindigan ni Makati City Mayor Abby Binay na suwayin ang pinal na desisyon ng Korte Suprema at ituloy ang laban sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig City.
Sa viral video ni Binay na kumalat sa social media platforms, sinabi niyang tuloy pa rin ang laban, aniya, naawa siya sa kanyang mga anak — ang mga estudyante ng Makati na itinuturing niyang mga anak — dahil hindi kayang ibigay ng Taguig ang naibibigay ng Makati.
“Ang posisyon namin is tuloy ang laban. Naawa ako sa mga anak ko — ‘yung mga students, mga anak ko ‘yan. Iba ‘yung level of investment, am not talking about financial, alam ko kasi na hindi kayang ibigay ‘yung kalidad na naibigay ng isang kagaya ng lungsod ng mga Makati sa mga estudyante,” pahayag ni Binay sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag sa pagdalo nito sa CityNet Disaster Cluster seminar.
Kasunod ng pahayag ni Binay na hindi pa tapos ang laban ang pagkalat sa social media ng propaganda na
“Makatizens, hindi pa tapos ang laban. Kinausap na ni Mayora si Pres. BBM, ma’am Liza at si Chief Justice. Nangako silang tutulong para mabuksan ulit ang kaso. Tuloy ang laban! Magugulat na lang ang Taguig. Abangan nila.”
Karamihan sa mga reaksiyon na buksan muli ang Makati-Taguig dispute ay panawagan na respetohin ang desisyon ng Korte Suprema.
“Dapat matutong respetohin ang court ruling, lalo na galing na ito sa Supreme Court. Hindi ‘yung kung ano ano pa ang gagawin nila para baguhin ‘yun,” pahayag ng isang Carl Silvestre.
“So they are above the law? Need pang kumapit sa Presidente na as of makikialam sa ruling ng SC. Respect the law!” sambit ni Fatima Ilalaj.
“Huwag tayong magpakalat ng fake news, Supreme Court na ang final kaya wala nang magagawa kahit kanino lumapit na politiko. Respect the court’s decision. Tapos na ang laban,” dugtong ni Angelica Panal.
Isa sa dahilan kung bakit may ilang tumatanggi na mailipat ang “embo barangays” sa Taguig ay dahil sa nakukuhang benepisyo sa Makati ngunit ilang residente ng Taguig ang naglabas din ng saloobin sa social media at nagsabing mas maganda ang pamamalakad sa lilipatang siyudad.
“Bakit kasi hindi na tanggapin ang katotohanan? Ayaw n’yo ba na makatanggap ng maraming benefits? Mula sa edukasyon hanggang sa kalusugan abot-abot ang nakukuha naming mga taga-Taguig. Scholarship hanggang college allowance na dadalhin pa mismo sa kanya-kanyang bahay. Libreng gamot lalo sa senior citizens na inihahatid din mismo sa bahay. Kaya wala ka talagang masasabi at magiging thankful ka talaga,” paliwanag ni Xavierra Bernardino Adriano.
Ang 30-taong territorial dispute sa pagitan ng Makati at Taguig ay tinapos na ng SC sa ipinalabas na resolusyon noong Abril, sa pagresolba ng kaso ay pinaniwalaan at binigyang bigat ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang mga ebidensiya at argumento na naiharap ng Taguig.
Pinagtibay ng SC sa kanilang ipinalabas na desisyon ang injunction na ipinalabas noon pang 1994 ng Pasig City Regional Trial Court na pumipigil noon pa sa Makati City na angkinin ang Inner Fort Bonifacio na kinabibilangan ng mga barangay ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, at Pitogo. (30)