SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ENJOY na enjoy at ‘di nakikitaan ng lungkot o pagkabahala si Andrea Brillantes sa pagso-solo. Ito ang napansin namin sa bagong pinagbibidahang digital series sa iWantTFC, ang Drag You & Me na bida rin si Christian Bables.
Ibang-ibang Andrea nga ang mapapanood sa digital series na ito minus ang nakasanayan at madalas na napapanood kasama ang ka-loveteam noong si Seth Fedelin.
Ani Andrea, ine-enjoy niya ang pagso-solo pero inamin niyang may mga adjustment d siyang kailangang gawin lalo’t hindi rin basta-basta ang ginagampanan niyang papel sa Drag You & Me na isa siyang drag queen.
“Nahirapan din ako maging solo artist kasi noong (13 or 15) pa ako, mayroon na akong loveteam. Lagi kong kaibigan ‘yung ka-loveteam ko. Simula noong 15 ako, naging boyfriend ko rin ‘yung ka-love team ko.
“Iba kasi ‘yung dynamics kapag in a relationship ka with your partner. Parang it’s not work eh, para kang may date araw-araw. Tapos ‘yung staff na kasama ko roon sa ‘Kadenang Ginto’ is kasama ko na sa lahat ng shows ko, 15 years old pataas,” katwiran ni Andrea sa isinagawang mediacon.
Sinabi pa ni Andrea na, “Itong ‘Drag You & Me’ ang first-ever show ko na wala akong dyowa na katrabaho, or wala akong friend na katrabaho. Lahat ng co-stars ko bago. Lahat ng staff, bago.
“Nahihirapan ako na nakapaninibago, but it’s fun to be with new people. Nakaka-work ko ang mga legend and marami akong natututunan sa kanila. It’s a first, pero set na ako rito. I’m loving the solo era. I’m loving it,” dagdag pa ng batang aktres.
“Mas marami kasi akong nagagawa ngayon, and bago siya. Dati parang lagi akong may ka-loveteam. Na-enjoy ko siya, masaya siya, iba ‘yung pakiramdam kasi independent ako. Pupunta ako sa set na work lang talaga.
“Iba kasi iba ‘yung gaan na mayroon kang kasamang new sa work. Iba ‘yung power na naibibigay niya sa ’yo, at saka feel ko na mas independent ako, masaya,” sambit pa niya.
Rarampa si Andrea para sa pinakabonggang iWantTFC original series ngayong Pride Month, ang Drag You & Me, na pinagbibidahan din ni JC Alcantara.
Isa itong modern family rom-com drama tungkol sa drag culture at ang paniniwalang “love is genderless” kaya mahalagang tanggapin ng mga tao ang iba’t ibang klaseng pagmamahal kahit anuman ang sekswalidad.
Iikot ang kuwento sa makulay na buhay ni Betty (Andrea) o kilala rin sa drag name niyang Valentine Royale, isang palabang babae at ang ultimate ally ng LGBTQIA+ community.
Dahil gipit sa pera at para maisalba ang gay comedy bar ng kanyang pamilya, sasali si Betty sa Manila Queen Supreme, ang pinaka-engrandeng drag competition sa bansa, pero hindi nila alam na totoong babae si Betty at hindi talaga siya drag queen.
Kakabugin ni Betty ang pagiging drag queen hanggang sa unti-unting mahulog ang loob niya kay Jason/Shania (JC), isang male-bisexual drag queen at ang pinakamalakas niyang karibal sa kompetisyon. Mas magiging komplikado pa ang kanilang relasyon dahil uusisain ito ni Charlie (Christian), isa sa mga drag sister nila at mentor din ni Jason.
Sa kabila ng kanilang mga problema sa buhay, iisa lang naman ang hangad nila at iyon ang magmahal at mahalin sila ng kani-kanilang pamilya.
Pagdating kay Betty, ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng kanyang ‘out and proud’ queer family, habang si Jason naman ay nahihirapang aminin ang tunay niyang sekswalidad sa pamilya kaya itinuturing niyang pangalawang pamilya si Charlie.
Ang Drag You and Me ay idinirehe ni JP Habac at kasama rin dito ang real-life drag queens na sina Brigiding, Viñas Deluxe, Xilhouete, at Precious Paula Nicole, pati ang special guests na sina Flor Bien Jr. at Rico Reyesmula sa Home from the Golden Gays.
Kabilang din sa cast sina Romnick Sarmenta, KaladKaren Davila, Ice Seguerra, Jon Santos, Cris Villanueva, Albie Casiño, Lance Carr, PJ Endrinal, Jeric Raval, Amy Nobleza, Noel Comia Jr., at Yves Flores.
Ang Drag You & Me ay mapapanood sa Hunyo 2 sa iWantTFC app (iOs at Android) o website.