SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SWEET na sweet, nagkukulitan, nagbibiruan kaya naman talagang mapapagkamalang may relasyon sina Wilbert Ross at Yukii Takahashi. Maging ang mga kasamahan nila sa Ang Lalaki Sa Likod ng Profile ay tinutukso-tukso sila. Kasi naman, bagay na bagay sila.
Kaya nga marami ang nagsasabi, kitang-kita ang chemistry nina Wilbert at Yukii on and off camera dahil na rin sa katwiran ng mga ito, magkasundo sila at pino-proteksiyonan ang isa’t isa.
Hindi kataka-taka na inaabangan at pinag-uusapan ng kanilang fans and social media followers ang kanilang digital romcom serye dahil bagay na bagay talaga si Hashtag Wilbert kay Tiktok superstar.
May 13 episodes ang serye na idinirehe ni Victor Villanueva at nagsimula na ngang mapanood ang 5th episode nito noong May 20, sa Puregold Channel sa YouTube. Ito’y mula sa Chris Cahilig Productions.
At noong May 18, Huwebes ay nagkaroon ng bonggang mediacon ang hit digital series sa World Trade Center sa Pasay City kasabay ng unang araw ng Tindahan ni Aling Puring Sari-sari Store Negosyo Convention na nagtapos noong May 20.
Humarap ang cast ng Ang Lalaki Sa Likod Ng Profile sa isinagawang mediacon at doo’y panay-panay ang panunukso ng mga kasamahan nina Wilbert at Yukii sa kanila. Lalo na si Marissa Sanchez na gumaganap na ina ni Wilbert.
Sa mediacon kapansin-pansin na super comfortable ang dalawa kaya nga natanong sila kung may posibilidad bang magka-debelopan. Na sinagot lamang ng ngiti ng mga ito at sinabing komportable sila sa isa’t isa.
Samantala, nasabi ni Wilbert na ibang-iba ang karakter niya sa Puregold series. Ibang-iba sa mga ginawa niyang projects sa Vivamax tulad ng Boy Bastos, 5 in 1, High (School) On Sex, at Stalkers.
Aniya, “Walang sexy ito kahit kaunti. Nakatatawa, nakuha ako ng Puregold because of ‘Boy Bastos’ talaga. Kasi napanood ni Direk Chris Cahilig at ni Miss Ivy ng Puregold, na marketing, na napanood nila ‘yung ‘Boy Bastos’ at tawang-tawa sila sa akin.
“Kaya as in way, way back pa ito. Matagal na nila akong kinausap. Tapos ayun, kinuha nila ako because of that. Kaya sobrang thankful ako sa ‘Boy Bastos’ at sa Vivamax dahil sa opportunity, na-launch ako sa project na ‘yun.”
Nasabi rin ni Wilbert na ang Ang Lalaki sa Likod ng Profile ang umpisa ng rebranding niya.“Ito, per Viva Artist Agency, so ito na po ‘yung start ng rebranding ko.
“More on romance-comedy na po ako, rom-com. Galing na po sa kanila, na parang, hindi ako sure, ha, pero parang hindi na ako magse-sexy talaga,” paglilinaw ni Wilbert.
Kasama rin sa retailtment offering ng Puregold sina Kat Galang, Migs Almendras, Marissa Sanchez, Anjo Resurrecion, Moi Morcampo, Star Orjaliza, at TJ Valderrama.
Si Wilbert din ang kumanta ng themesong ng Ang Lalaki Sa Likod Ng Profile na may titulong Sasabihin Ko Na, na siya rin ang nag-compose.