AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HAYUN, paglipas ng halos tatlong dekada, inilabas na ng Korte Suprema ang pinal na desisyon sa pinag-aagawang 729 hektaryang lupain ng Fort Bonifacio Military Reservation na kinaroroonan ng posh Bonifacio Global City (BGC) at ilan pang barangay na nasa Makati City ay malinaw na nasa hurisdiksiyon ng Taguig City.
Sa naging desisyon ng Kataastaasang Hukuman, sinabing ang Taguig ang nakasasakop sa kinukuwestiyong teritoryo base sa historical, documentary, at testimonial evidence.
Binigyan ng malaking punto ng Korte Suprema sa kanilang ginawang pagdinig sa land dispute, ang Taguig City ang nakapagsumite ng mga ebidensiya, survey, at iba pang dokumento na magpapatunay na sila ang may sakop sa kinukuwestiyong teritoryo.
“We find that Taguig presented evidence that is more convincing and worthier of belief than those proffered by Makati,” sabi ng Korte Suprema.
Mantakin ninyong halos 30 taon ang itinagal ng legal battle sa pagitan ng Makati at Taguig. Unang dininig ang kaso sa Regional Trial Court, Court of Appeals hanggang umakyat sa Korte Suprema na pinagtibay ang desisyon na nagtatakdang ang Taguig City ang nagwagi.
Kasunod ng pagtatapos ng legal battle, siyempre umaasa ngayon ang mga residente na nasa gitna ng dalawang nag-uumpugang local government units (LGUs) na kumilos para isaayos ang kanilang sitwasyon.
Sang-ayon tayo sa naging apela ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado nang magpalabas ng isang statement bilang direktang mensahe sa lokal na pamahalaan ng Makati at Taguig, ang pakiusap ng dating opisyal ay respetohin ang desisyon ng Korte Suprema bilang “final arbiter of the law” at magtulungan ang local government officials para sa “smooth transition” sa paglilipat ng mga residenteng dating Makati citizen na ngayon ay magiging lehitimong Taguigeño.
Malinaw na sakop na ngayon ng Taguig City ang Fort Bonifacio kabilang dito ang Barangay Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, at Pitogo gayondin ang Philippine Army headquarters, Navy installation, Marines’ headquarters, Consular area, JUSMAG area, Heritage Park, Libingan ng mga Bayani, AFP Officers Village at 6 pang villages sa tabi nito.
Mukhang kailangan talaga ng “smooth transition” dito — ano kaya ang masasabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos?!
Aabangan po natin ‘yan!