SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TATLONG buwan pa lang sa ere ang FPJ’s Batang Quiapo pero napakalakas nito sa ratings at sa streaming platforms kaya naman ganoon na lamang ang kasiyahan ni Coco Martin gayundin ng iba pang mga nagsisiganap dito.
Ani Coco sa isinagawang mediacon kahapon sa Luxent Hotel, hindi akalain ni Coco na maging sa streaming platforms ay magiging malakas sila.
Pag-amin ng Kapamilya Primetime King, hindi niya inaasahan ang napakaagang tagumpay ng kanilang show, ang FPJ’s Batang Quiapo.
“Sobra akong na-surprise, eh. Kasi sabi ko, noong ginagawa namin ang ‘Ang Probinsiyano,’ sabi ko, ‘sigurado ako, hindi ko na mauulit ‘to. ‘Yung ganoong experience,” anang aktor/direktor.
“Pero ngayon, base sa mga number na lumalabas sa ‘Batang Quiapo,’ mas mataas pa siya kaysa ‘Ang Probinsyano.’ Kasi, noong pumasok ang ‘Ang Probinsyano,’ hindi naman kami umaabot ng ganitong ratings, eh, noong nawala ‘yung prangkisa ng ABS-CBN.
“Ngayon, kahit na wala ang prangkisa, maganda ‘yung ratings na ibinibigay niyong show. Kaya nakatutuwa. Tumaas na nang tumaas lalo na ‘yung views sa YouTube, nakaka-surprise,” aniya pa.
Kaya naman tiniyak ni Coco na sa bagong yugtong papasok mas pagagandahin pa nila ang show. Bukod sa pagbabagong magaganap ay may mga bagong karakter ding mapapanood at isa na rito si Joey Marquez.
At dahil sanay na tayong maraming artista at bagong karakter ang ipinapasok ni Coco sa kanyang mga ginagawang teleserye, natanong ito kung kailan naman siya magpapasok ng mga mas batang artista tulad nina Daniel Padillaat Kathryn Bernardo.
Noon kasi’y nagsabi sa kanya si DJ (Daniel) na anytime na kailanganin siya ay willing itong mag-guest sa kanyang serye.
At ang sagot dito ni Coco, “Siyempre, pangarap kong makatrabaho ‘yung mga ‘yun. Kung saka-sakali na talagang magkaroon ng pagkakataon na available sila at pwede, napakalaking karangalan siyempre ng ‘Batang Quiapo’ na makatrabaho si Daniel at saka si Kathryn.”
Ukol naman kay Sharon Cuneta, “Si Mommy Sha kasi, sobrang bait talaga, alam n’yo po, ‘yung pagsuporta niya na kahit ano pang proyekto ‘yan, talagang. . .Siya ang nagsasabi na ‘kapag kailangan n’yo ko, anytime.’’
Kaya asahang mas maraming artista pa ang mapapanood sa Batang Quiapo, Pero sa ngayon, paglilinaw ni Coco, tinitipid niya ang mga artistang pwede niyang i-guest at inuunti-unti niya. Ayaw niya kasing maubusan tulad ng nangyari sa FPJ’s Ang Probinsyano na wala na siyang makuhang artista dahil nakuha na niya lahat sa haba ng itinakbo ng show. Umabot ito ng pitong taon.
“Ayokong mag-isang buhos na lahat ng magagaling na artista ay nakapasok na lahat. Paano ‘pag nagbawas ka ng karakter? Wala ka nang makukuha. Kaya dinadahan-dahan ko,” susog pa ni Coco.
Ukol naman sa planong pagsamahin sila ni Alden Richards, “Ay, gusto ko siyang makatrabaho. Mabait ‘yun,” aniya.
Naibahagi ni Coco na dati ay nag-DM (direct message) siya kay Alden. “Mayroon pa ‘kong IG (Instagram) noon, minessage ko siya, sabi ko, ‘sana, magkatrabaho kami,’” sambit pa ng aktor na sinagot naman siya ni Alden na handa at gusto rin siyang makatrabaho nito.
“Sabi niya, ‘sana drama,’” kuwento pa ni Coco.
Samantala, may pasabog na magaganap sa May 8, ayon kay Coco.
“Magsisimula na ang bagong yugto ni Tanggol. Kailangan po lahat ng mga natutunan niya sa kalye, sa Quiapo, at sa buhay, na-realize niya na sa buhay niya na siguro panahon na para magkaroon din ng pagbabago sa kanyang buhay alang-alang sa kanyang lola, sa kanyang nanay, sa buong pamilya niya at siyempre kay Mokang kaya tingnang natin kung ano ang magiging journey ni Tanggol itong darating na May 8.”
Idinagdag pa ng aktor, “Katapusan na ng baluktot na pamumuhay ni Tanggol at simula pa lang ng napakagulong buhay ng bawat karakter dito.”
Kaya tutok lang sa FPJ’s Batang Quiapo para malaman ang patuloy na pakikibaka ni Tanggol sa buhay.