Apat na high-value individuals ang arestado ng mga awtoridad sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Region 3 nitong Mayo 2 at Mayo 3.
Magkasanib na operating units ng DEU Angeles City at Angeles City Police Station 2 ang nagkasa ng anti-illegal drug operation malapit sa Angeles City Water District sa may Pampang Road, Brgy Lourdes North West, Angeles City na nagresulta sa pagkaaresto ni Rommel Paras y Dizon aka Pam, regional high-value individual, 62, at residente ng Brgy Malino, City of San Fernando, Pampanga.
Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong piraso ng selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, may timbang na humigit-kumulang sa 55 gramo at tinatayang may street value na PhP374, 000.00.
Samantalang sina Aiman Ombar y Ambi aka Aiman, Mohammad Pangcatan y Rico aka Rico, at Hamza Hadji ALI y Maut aka Hamza, pawang nakatala bilang high-value individuals, ay arestado ng magkasanib na mga elemento ng CPDEU, PS-5 SPDEU, SOU 3 PNP DEG at OCMFC sa pamamagitan ng buy-bust operation sa No.14 Holy Spirit, Sta. Rita, Olongapo City.
Nakumpiska sa tatlo ang apat na selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, may timbang na 152.2 gramo at tinatayang may street value na Php1,034,960.00.
Kabuuang ebidensiya na nakumpiska sa mga suspek ang pitong selyadong pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, may timbang na 207.2 gramo at DDB value na Php 1,408,960.00 at Php 2,000.00 bill marked money.
Ayon kay PRO3 Regional Director PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr, na ang kapulisan sa Central Luzon ay mananatiling walang humpay sa kampanya nito laban sa iligal na droga at pananatilihin ang pagsasagawa ng anti-illegal drug operations upang mapuksa ang pagkalat nito.(Micka Bautista)