Sa ikinasang police operation sa Bulacan kamakalawa ay naaresto sa checkpoint ang isang tulak kabilang ang anim na personalidad sa droga at sampung kriminal na pinaghahanap ng batas.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, sa isang nakalatag na police checkpoint ng mga tauhan ng Norzagaray MPS sa Brgy. Tigbe, Norzagaray ay naaresto si Daniel Doria.
Napag-alaman na habang iniinspeksiyon ng mga operatiba ang minamanehong motorsiklo ng suspek ay nadiskubre na nagtataglay ito ng pinaghihinalaang iligal na droga.
Dito na nabuking na si Doria ay nasa PNP-PDEA Unified Drug Watch list at ang mga awtoridad ay nakumpiska sa kanya ang small light bulb na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, improvised drug paraphernalia, at motorsiklo kung saan ang droga at iba pang items ay natagpuan.
Kaugnay nito, ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng SJDM, Sta. Maria, Pandi, at San Miguel C/MPS ay nagsagawa ng mga serye ng drug sting operations na nagresulta sa pagkaaresto ng anim na suspek sa droga.
Ang operasyon ay nagbunga rin sa pagkakumpiska ng 28 pakete ng shabu, 11 pakete ng tuyong dahon ng marijuana at marked money na ginamit ng poseur buyer.
Samantala, ang Bulakan at Norzagay MPS ay naglatag ng pursuit operations upang hulihin ang mga wanted na kriminal na nagresulta sa pagkaaresto ng dalawang indibiduwal.
Kinilala ang mga akusado na sina Timothy William Domingo, na arestado sa krimeng Frustrated Murder, at Rudy Pequero Jr.na dinakip para sa krimeng Robbery.
Dagdag pa na ang mga operatiba ng Bulacan CIDG at Hagonoy, San Rafael, CSJDM, Marilao, San Miguel, at Malolos C/MPS ay naaresto ang walo pang mga wanted na mga kriminal na sangkot sa iba’t-ibang krimen.
Isinagawa ang pagdakip sa mga akusado matapos na ang korte ay maglabas ng warrant of arrest laban sa kanila.(Micka Bautista)