HUWAG mawalan ng lakas ng loob, sipag, at pag-asa sa kabila ng mga hamon sa buhay.
Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga obrero sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.
Sa kanyang talumpati, kinilala ng Pangulo ang hirap na kinakaharap ng mga manggagawa, tulad ng kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at kawalan ng access sa mga benepisyo ng gobyerno.
Kaya naman, ipinangako niya na ang pangangalaga sa mga manggagawa ay uunahin sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Sa kabila ng mga hamon ng buhay, wag kayong mawalan ng lakas ng loob, ng kasipagan, at ng pag-asa. Nawa’y panatilihin ninyo ang pagsisikap, integridad, at pagmamahal sa lahat ng inyong gawain. Ipamalas natin ito at ipamana sa ating mga anak at susunod na ating salinlahi,”aniya.
“Ang ating pagsusumikap ay may kakayahang makapagtaguyod ng ating sarili, pamilya, at pamayanan. Ito rin ay may kakayahang magpapakita ng pagmamahal at naghahatid ng ginhawa, kapanatagan, at kasiyahan sa ating lahat na lalong mapaunlad ang ating mga buhay,” dagdag niya.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may 22.47 milyon ang walang trabaho noong Pebrero 2023.
Bago umalis patungong Washington, DC kahapon, dumalo si FM Jr. sa pagbubukas ng “Kadiwa ng Pangulo Para Sa Manggagawa” outlet sa Pasay City, na nilahukan ng may 150 businesses at sellers muka sa iba’t ibang ahensya.
Sinaksihan din ng Pangulo ang paglagda ng kontrata ng Department of Labor and Employment (DOLE) at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang suportahan at lalong palakasin ang labor force sa pamamagitan ng livelihood programs, job creations at skills training.
Pinangunahin din niya ang pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan sa may 1,400 beneficiaries; binisita ang ginaganap na jobs, livelihood, at business fairs na nag-aalok ng 82,000 trabaho mula sa iba’t ibang industriya. (ROSE NOVENARIO)