ni MARICRIS VALDEZ
NOT once but twice. Nakalulungkot na sa tuwing maiinterbyu namin si Alden Richards ng one on one ay nagiging biktima kami ng hawi boys. Una’y noong 2018 nang ilunsad siya bilang endorser ng isang palaman sa tinapay at ang ikalawa ay nito lamang Martes nang pumirma siya bilang endorser ng Brilliant Skin na ginawa sa The Blue Leaf Cosmopolitan.
Bagamat humingi na ng paumanhin si Alden sa unang pangyayari, hindi namin maiwasang maalala at mabanggit pa uli.
Matapos ang presscon proper ay sinenyasan na kami ng publicist ng skin care na maaari nang mag-one-on-one ang entertainment press kay Alden kaya naman ang lahat ay nagtungo na sa stage bagamat hindi agad naisagawa ang pagtatanong dahil may mga distributor ng Brilliant Skin na nagpakuha muna ng picture sa aktor.
Dahil tila hindi agad matatapos ang pagpapa-picture ay nagtanong na ang entertainment editor ng Bulgar at hindi pa man natatapos sumagot si Alden ay sumingit na ang mga naglalakihang katawan na hawi boys. Pilit nila kaming itinataboy, hinahawi para hindi na matuloy ang pag-iinterbyu. Sinabihan namin na nag-iinterbyu pa kami at sumasagot naman ang kanilang artista subalit talagang malakas sila at muli hinawi kami hanggang sa kami na ang lumubay.
Lahat ay nagalit at nag-react sa ginawang pagtataboy sa entertainment press at vloggers na gustong makausap si Alden. May go signal ang mga dumalong press at vloggers para makahuntahan ang aktor at nilinaw din ito sa amin ng isa sa publicists ng event na iyon na pagkatapos ng press conference ay maaaring maka-one-on-one ang aktor.
Ani Maureen Belmonte, isa sa assistant PR, “malinaw naman po sa side ni Alden na after ng presscon ay may one on one at napagkasunduan naman po iyon. Hindi ko lang po alam ano nangyari bakit nagkaganoon,” nagtatakang wika ng PR.
At dahil hindi na rin talaga makakausap si Alden lumapit ang isang editor sa CEO ng Brilliant Skin at doo’y sinabi nito na na-turn off ang press sa ginawang paghila at paghawi kay Alden. At ang tugon ni Ms Glenda, “wala po akong alam.”
Maging ang mga photog ay nahawi rin.
“Actually, ako ‘yung unang hinawi kahapon niyong bodyguard bago si Maricris kaya nag-react ako roon sa nanghawi sa akin,” sabi ng isang press na nasa venue rin. “Pero nakita ko ‘yung road manager ni actor na sumenyas doon kay bodyguard kaya pilit nilang inilalayo si actor sa ating mga press.
“Nakaka-sad lang talaga na hindi man lang nila tayo kausapin ng maayos kung hindi naman talaga pwede, para maiwasan ‘yung hinala na umiiwas lang silang matanong sa isyu,” himutok ng photographer.
Anong nangyari? Bakit muli ay nabastos kami?
Nakarating ang aming sentimyento kay Alden at ang sagot nito sa isa sa taong nagpadala ng aming post sa Facebook ukol sa pangyayari ay, “May schedule pa po kasi ako kaya need ko lang po umalis agad.”
Ala-una ang call time ng presscon subalit nag-umpisa ang mediacon proper past 3:00 p.m. na. Ang sabi maagang dumating sa venue si Alden pero bakit past 3:00 na nag-umpisa ang presscon?
Narinig naman namin mula sa ilang dumalo sa event (‘di kami sure kung distributor or staff ng Brilliant) na pinag-uusapan si Alden at nagpahayag ng pagkainip din. Nagbiruan ang mga ito na sana raw ay dinaanan na lang niya ito sa Sta Rosa, Laguna para mabilis na nakarating.
May nakapagsabing taga-Sparkle ang mga hawi boys. Na agad namang itinanggi ng taga-GMA/Sparkle at iginiit na hindi taga-Sparkle ang iyon.
Anang taga-GMA, “Mga guards daw po ng client ‘yung nanghawi. Hindi po Sparkle.”
Sinabi rin ni Alden sa isang mensahe sa isang press na malapit dito na hindi niya tao ang mga humawi.
Maging ang PA (personal assistant) ni Alden na si Ten, ay nagsabing wala silang dalang hawi boys. “Hindi po sa amin ang marshall,” anito.
So kanino ba talaga ang mga hawi boys?
Sa totoo lang, hindi namin ito na-experience sa mga sikat at tinitingalang artista na tulad nina Nora Aunor at Vilma Santos. Kapwa magiliw ang mga ito sa pakikipaghuntahan at pagpapa-picture. Sa totoo lang, hindi mo nga kakikitaan ang dalawang veteran actress ng pagod lalo’t lahat ay gustong magpakuha ng picture sa kanila.
Sa dalawang beses na pangyayaring ito na sinasabi ni Alden na nalulungkot siya at alam naman naming mabait siya, sana lang ay may boses siya para siya mismo ang sumuway o magsabi sa mga hawi boys o pumipigil para mainterbyu siya.
May mga artista na kapag ginagawa ang paghawi o pagbabawal na mainterbyu sila eh sila mismo ang nagsasabi na hayaan silang makausap. Hindi nila hinahayaang mabastos ang press/vloggers na mabastos. Inimbita ang mga press para mag-interbyu. Trabaho ng press na magtanong. Kung hindi pwede maaari naming magsabi. ‘Wag lang iyong idadaan sa bastusan o hawian.