ITINUTURING na mayaman sa kultura at tradisyon ang bayan ng Binangonan, Rizal. At ang isang kaugaliang hindi kinalimutan ng mga taga-Binangonan ay ang paggunita at pagkakatagpo sa Mahal na Krus sa Brgy. Libid, na roon matatagpuan ang kalbaryo na lalong pinaayos at pinaganda.
Sa ngayon, nagsisilbing pasyalan ito ng mga local at dayuhang turista para sa siyam na araw ng panalangin (lutrina) bilang parangal sa krus.
Ang pagdiriwang na ito ay inumpisahan ng mga Kastila sa bansa at dahil naging bahagi ng tradisyong Pinoy, taon-taon na itong upinagdiriwang. At ngayong taon, ito ay may temang Kabataan, Pag-ibig at Pasasalamat.
Gaganapin ang pagdiriwang ito sa Mayo 7, 2023, 7:00 p.m. na magkakaroon ng Grand Santacruzan tampok ang magandang Kapuso aktres na lumalabas sa Happy ToGetHer at Urduja, si Arra San Agustin, bilang Reyna Elena.
Sina Raphael Landicho na kasama sa Voltes V ay kabilang din sa Santacruzan bilang si Haring Konstantino at si Randel Amos Ynares, miyembro ng Binangonan Lakehounds Basketball Team, ang konsorte ni Arra.
Ayon sa Event Consultant na si Gomer Celestial, gagamitin ni Arra ang gown na likha ni Eboy Visande at si Michael Ponce naman ang para kay Raphael.
Panata ang turing sa Santacruzan ayon kina Brgy. Chairman Gil “Aya” Anore at Kgd. Jennelyn Villegas, chairman on Education, Culture and Tourism.
Magbibigay kulay din sa pagdiriwang sina Jamie Margaret M. Lagarejos bilang Reyna Elena I at Catherine Ojeda, Reyna Emperatriz. Sa gabi ng pagdiriwang ay pipili rin ng magiging Reyna ng Santacruzan 2023.