Sa pagpapatuloy ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Unit (SACLEO) ng Bulacan PNP ay sampung pugante at labingtatlong katao na may paglabag sa batas ang naaresto kamakalawa.
Sa ulat mula kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, anim na personalidad sa droga ang arestado sa iba’t-ibang buy-bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bulacan Provincial Intelligence Unit, Guiguinto, Pandi at San Ildefonso Municipal Police Station.
Ang mga suspek ay kinilalang sina John Visonaya ng Karuhatan, Valenzuela; Sarriel Bartolome ng SJDM City, Bulacan; Nonelon Jose ng Bigte, Norzagaray; Rodrigo Grisola ng San Jose, Plaridel; Jeffrey Castro ng Sta Cruz, Guiguinto; at Joselito Sto. Domingo ng Tibag, Baliwag kung saan nakumpiska sa kanila ang 22 pakete ng shabu at buy-bust money.
Naaresto rin ang sampung pugante sa manhunt operations ng tracker teams ng Bulacan 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company, Bulacan Provincial Intelligence Unit, Malolos, San Jose del Monte, Norzagaray, Marilao, Hagonoy, at Baliwag C/MPS.
Arestado sila sa mga krimeng Rape (2 Counts); Unjust Vexation; Estafa; paglabag sa RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.); paglabag sa RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000); paglabag sa R.A 9165 at paglabag sa BP 22.
Lahat ng mga naarestong akusado ay ipiniit at isinailalim sa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/stations para sa nararapat na disposisyon.
Anim namang katao ang arestado sa anti-illegal gambling operations na inilatag ng mga operatiba ng SJDM CPS matapos maaktuhan sa pagsusugal ng “Tong-its” at makumpiskahan ng playing cards at perang taya sa iba’t-ibang denominasyon.
Samantala, sa entrapment operation na isinagawa ng mga tauhan ng Bulacan PIU at Baliuag CPS sa Tarcan, Baliuag, ay nagresulta sa pagkaaresto kay Joel Delos Santos para paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at marekober sa kanya ang isang Llamma 9mm Caliber Pistol, tatlong piraso ng bala at isang piraso ng pistol magazine. (Micka Bautista)