ISANG lalaki na kinatatakutan sa kanilang lugar dahil sa pag-iingat ng mga armas ang naaresto ng pulisya sa ipinatupad na search warrant sa San Ildefonso, Bulacan kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Dennise Herrera, isang magsasaka na inaresto ng mga tauhan ng San Ildefonso MPS sa pamumuno ni PLt.Colonel Russel Dennis Reburiano katuwang ang Bulacan 2nd PMFC, RMFB 3 at Bulacan PECU sa kanyang bahay sa Brgy. Alagao, San Ildefonso, Bulacan.
Dakong alas-12:00 ng tanghali nang isilbi ang search warrant laban kay Dennise Herrera kung saan nakumpiska sa kanya ng operating team ang caliber .38 revolver, mga piraso ng bala at granada.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga awtoridad sa mapayapang paraan sa harap ng pamilya ng suspek at mga testigo mula sa mga opisyal ng barangay.
Nakadetine na sa San Ildefonso MPS custodial facility ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong illegal pssession of firearms o paglabag sa RA 10591.
Inaalam din ng mga awtoridad kung ang arestadong suspek ay may kaugnayan sa mga grupo ng masasamang elemento kaya nag-iingat ito ng baril, bala at granada.
Ayon kay Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, patuloy ang kapulisan sa maigting na kampanya nito laban sa krimen at mapanatili ang katiwasayan ng publiko sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)