NANALO ng Bronze World Medal ang programa ng ABS-CBN News na KBYN: Kaagapay Ng Bayan, na pinangunahan ng beteranong mamamahayag na si Noli de Castro, bilang Best Public Affairs Program sa prestihiyosong New York Festivals TV & Film Awards noong Abril 18.
Inanunsiyo ang mga nagwagi sa 2023 Storytellers Gala, na itinampok ang mga awardee ng iba’t ibang kategorya sa telebisyon at pelikula.
Nagsilbing pagbabalik sa telebisyon ni Noli ang KBYN noong Abril 2022, na nakasama sa shortlist bilang ang tanging kalahok mula sa Pilipinas sa kategoryang Balita: Programa.
Itinampok sa programa ang mga kuwento ng pakikibaka ng mga ordinaryong Filipino at mga istorya ng inspirasyon at tagumpay. Sa kasalukuyan, ang palabas ay ginawang bahagi ng TV Patrol na pinamagatang KBYN Special Report. Maaaring panoorin ang mga episode ng KBYN sa YouTube channel ng ABS-CBN News.
Sinasaklaw ng New York Festivals TV & Film Awards ang lahat ng aspeto ng industriya ng telebisyon at pelikula at kinikilala ang mga innovator ng industriya mula sa mahigit 50 bansa sa 14 na kategorya.