Nasagip ng mga awtoridad ang 44 kababaihan kabilang ang isang menor de-ead na nagtatrabaho sa isang KTV bar sa isinagawang entrapment operation sa Angeles City kamakalawa ng gabi, Abril 17.
Batay sa ulat na ipinadala kay PRO3 Director PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr, ang composite team ng CATTG ACPO katuwang ang mga miyembro ng CSWDO ay nagkasa ng entrapment operation sa M KTV BAR na matatagpuan sa Brgy. Pampang, Angeles City.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto ng anim na suspek at pagkasagip ng apat kabataang babae kabilangang isang menor de-edad at 40 pang kababaihan na sinasabing biktima ng human trafficking.
Nag-ugat ang operasyon matapos na ang mapagkakatiwalaang impormante ay nag-ulat sa Angeles City Police Office na dalawang Korean nationals ang nagpapatakbo ng M KTV Bar na seksuwal na ini-exploit ang kanilang mga empleyada na pinaniniwalaang mga kabataang kababaihan..
Kaya agad ang operating team ay naglunsad ng entrapment operation kung saan nagawa nilang makipagtransaksiyon sa mga suspek at matapos maiabot ang Php 3,000.00 marked money sa isa sa mga suspek na kinilalang si Jayson Lancangan na iniabot naman ang pera sa dalawang Koreans na sina Matt Lee at Alex Han ay nagresulta sa kanilang pagkaaresto.
Ang iba pang mga suspek na kinilalang sina Aileen Pineda, Jennifer Mendoza, at Preciosa Mahusay na nag-recruit sa mga biktima ay inaresto na rin.
Kasalukuyan pa ring hinahanap ng mga awtoridad ang isang nagngangalang Marianne Han y Datu, na siyang nakarehistrong may-ari ng M KTV BAR.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9208 na inamyendahan ng RA 10364 at RA 7610 na inihahanda na para isampa sa korte. (𝙈𝙄𝘾𝙆𝘼 𝘽𝘼𝙐𝙏𝙄𝙎𝙏𝘼)