Naghihimas na ngayon ng rehas na bakal ang labingtatlong (13) tigasing law violators sa Bulacan matapos maaresto sa sunod-sunod na operasyon sa lalawigan hanggang kahapon, Abril 17.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, tinatayang PhP 31,000 halaga ng shabu ang nakumpiska ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Pandi, Bustos, at Sta. Maria MPS mula sa tatlong (3) arestadong suspek sa droga sa isinagawang serye ng drug bust operation sa Bulacan.
Kinilala ang mga arestadong suspek na sina Chris Jansen De Leon, 19, Caesar Principio,38, at Joemari Francis Cruz, 43.
Kasunod nito ay walong kriminal na wanted sa iba’t-ibang krimen at paglabag sa batas ang arestado ng tracker teams ng 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), Guiguinto, Meycauayan, SJDM, Malolos C/MPS, at CIDG Bulacan.
Arestado sila sa mga krimeng RA 9165, Qualified Theft, Adultery, RA 9262, at The Intellectual Property Code of the Philippines.
Lahat ng mga arestadong akusado ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station para sa angkop na disposisyon.
Sa kabilang banda, ang mga awtoridad ng Paombong at Malolos C/MPS ay nagresponde sa iba’t-ibang krimen na nagresulta sa pagkaaresto ng dalawang indibiduwal na sangkot sa krimen.
Kinilala ang mga ito na sina Jerome Musni ng Paombong para sa Serious Physical Injury at Vincent Besona ng Malolos City para naman sa Attempted Homicide, Alarms at Scandal and Trespass to Dwelling.(Micka Bautista)