TIYAK na marami ang matutuwa kapag natuloy ang pelikulang pagsasamahan nina Judy Ann Santos, Jolina Magdangal, Gladys Reyes, Angelu de Leon. at Claudine Barretto.
Ayon kay Gladys nang mag-guest ito sa Magandang Buhay kahapon, Lunes, marami ang humihiling na magkasama-sama silang lima sa isang pelikula.
“Star (Cinema) baka naman. Marami ang nagre-request pero ito siyempre in the process. Sinasabi ko na kay Jolens kanina off air na soon sana po matuloy ‘yung aming movie with Ms. Judy Ann Santos, of course Jolina, Angelu and Claudine Barretto. Sana, soon. Mga batang ’90s alam niyo na,” sambit ni Gladys.
At kapag natuloy ang pagsasama nilang lima siyempre tiyak na isang magandang proyekto iyon lalo’t lahat sila ay magagaling na aktres.
“Siyempre mga momshie na iba-iba ang katauhan, alam mo na. Soon siyempre maririnig nila ‘yan uli. Sana matuloy,” sabi pa ni Gladys.
“I-manifest na natin yan,” susog ni Jolina, isa sa mga host ng Magandang Buhay.