PATULOY na pinagkakatiwalaan ng mga Filipino ang ABS-CBN, ang nangungunang content company sa bansa at si Vice Ganda, matapos makatanggap ng Gold Award at Most Trusted Entertainment and Variety Presenter Award mula sa Reader’s Digest Trusted Brands Awards 2023.
Ayon sa ika-25 Reader’s Digest survey, ang mga brand na nakasungkit ng Gold Award ay nakatanggap ng ‘outstanding results’ base sa pananaw ng mga consumer sa mga tuntunin ng pakikinig sa kanilang mga hinaing, pakikiramay sa kanilang sitwasyon, at pagbibigay ng suporta at alalay.
Kinilala naman ang It’s Showtime host bilang isa sa mga pinaka-pinagkakatiwalaang personalidad sa bansa. Siya rin ang tampok ngayon sa cover ng Reader’s Digest April 2023 – Trusted Brands issue. Ito ang pangalawang beses na naging cover si Vice ng magazine mula noong 2010.
Inilarawan ng Reader’s Digest si Vice na nanalong Most Trusted Entertainment and Variety Presenter sa ikalimang taon bilang ‘national treasure’ na may malakas na impluwensiya, kaya naman isa siya sa mga matagumpay na artista sa Pilipinas.
Isinagawa ng nangungunang research company na Catalyst ang Trusted Brands survey ng Reader’s Digest. Sinuri nito ang 8,000 mga consumer sa iba’t ibang market kabilang ang Pilipinas, Singapore, Malaysia, Hong Kong, at Taiwan. Tinanong ng Catalyst ang bawat taong na-survey na kilalanin ang mga brand ng mga produkto at serbisyo na kanilang pinagkakatiwalaan. Tampok sa April 2023 isyu ng Philippines Reader’s Digest magazine ang buong resulta.