Friday , November 15 2024

Public consultations inilunsad amyenda sa saligang batas para sa ekonomiya napapanahon — Rep. Robes

MATAGUMPAY na naisagawa ng House Committee on Constitutional Amendments ang kanilang pampublikong konsultasyon sa mga panukalang batas na nagsusulong ng mga reporma sa konstitusyon noong Sabado, 18 Febrero, sa San Jose Del Monte (SJDM) City, Bulacan.

Halos 700 kalahok mula sa iba’t ibang sektor ang dumalo sa public consultation na pinangunahan ni SJDM City Rep. Florida “Rida” Robes at ng kanyang asawang si Mayor Arthur Robes sa City Convention Center sa Barangay Sapang Palay Proper.

Si Rep. Robes, na namumuno sa House Committee on Good Government and Public Accountability, ay nagsabi na ang konsultasyon ay mahalaga upang makuha ang mga pananaw at feedback ng publiko sa mga panukalang amyendahan ang 1987 Constitution na ang mga probisyon, ayon sa kanya, ay hindi na umaayon sa kasalukuyang panahon.

“Kailangan natin ito upang masigurado na ang inaamyendahang Konstitusyon ay matibay. Tatlumpu’t anim na taon na ang nakalilipas at marami na ang nagbago at maraming dapat ayusin,” diin ni Rep. Robes.

Idinagdag ni Rep. Robes, ang layunin ng pampublikong konsultasyon ay malaman ang saloobin ng nakararami kung dapat nga bang magkaroon ng repormang konstitusyonal sa pamamaraang gagawin ang reporma at ano ang mga iminumungkahing reporma.

Kabilang dito ang pagsulong ng repormang makapagpapabuti sa ekonomiya ng bansa kagaya ng pagluwag sa investment barriers. “Hindi maikakaila na kailangan natin ng reporma kaya tayo ay magkakaisa sa pagsulong ng repormang makatutulong sa ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos at higit sa lahat para sa isang matatag na pamayanan ng Filipinas,” panawagan ng Kongresista.

Pinangunahan ni Zamboanga del Sur 1st District Rep. Divine Yu, vice chair ng House Committee on Constitutional Amendments, ang pampublikong konsultasyon sa SJDM City, ikaapat na out-of-town consultation na isinagawa ng panel, pagkatapos ng Cagayan de Oro City, Iloilo City, at San Fernando City sa Pampanga. Nagpahayag ng pag-asa si Yu na sa pamamagitan ng serye ng mga pampublikong konsultasyon, masusukat ng Kamara ang sentimyento ng publiko sa mga sumusunod: kung kailangan o hindi na amyendahan ang Konstitusyon; kung oo, ang gustong paraan ng pag-amyenda; at anong mga partikular na susog ang gusto nilang ipanukala.

Sinabi ni dating National Security Adviser Clarita Carlos, isa sa mga panelist, kailangang baguhin ang batayang batas ng bansa dahil “natuklasan namin na ang mga kondisyon kung saan itinatag ang 1987 Constitution ay nagbago.”

“Nag-iba na po ang ating beliefs systems, nag-iba na po ang ating geopolitics, nag-iba na po ang estruktura ng ating politika, at nag-iba na po ang ating mga goals bilang isang bansa,” pahayag ni Carlos.

Sinabi ni House Assistant Majority Leader at Leyte 4th District Rep. Richard Gomez, ang mga pag-amyenda sa 36-anyos Charter, partikular ang mga mahigpit na probisyon sa ekonomiya, ay “urgent at overdue.”

Samantala, ipinakita ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang masamang epekto ng mga mahigpit na probisyon ng konstitusyon sa buhay ng mga Filipino at ang mga posibleng benepisyo sa paggawa ng mga probisyong ito nang mas bukas.

Dumalo rin sa konsultasyon sina Rep. Rossana “Ria” Vergara ng Nueva Ecija 3rd District, Danny Domingo ng Bulacan 1st District, Loreto Amante ng Laguna 3rd District, Zaldy Villa ng Siquijor, at JC Abalos ng 4Ps Partylist; Bulacan Vice Governor Alex Castro; at dating ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio.

About hataw tabloid

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …