NAIS ipatigil ng isang cause-oriented group sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang malawakang quarrying sa Bucao River sa bayan ng Botolan, Zambales dahil sa mabilis na pagkasira ng naturang ilog.
Tinukoy ng grupong Anti-Trapo Movement of the Philippines (ATM) ang inirereklamong kompanya na China Harbor Engineering Corp., Global Sand Inc., Seven West Inc., Magnacorp Realty Development Corp., at Harley Construction sa DENR dahil sa pagkapinsala ng kalikasan sa lugar.
Ayon kay Leon Peralta, founding Chairman ng ATM, malaki na ang nasira sa kalikasan ng Botolan dahil sa ginagawang quarrying sa naturang ilog.
Inakusahan din ni Peralta ang mga nabanggit na mga kompanya na gumagamit umano ng 3 in 1 dredging equipment na halos kahalintulad ng ginawang reclamation ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa kanilang reklamo sa DENR, lumampas na sa itinakdang exclusive river dredging zone ang kanilang operations kung kaya’t nagtitiis ang mga residente sa pinsalang dulot nito.
Nabatid, sa limang kompanyang may quarrying sa Botolan ay dalawa lamang ang accredited ng DENR.
Kaugnay nito, may mga residente ng naturang bayan ang nagtungo sa DENR, DPWH at mga tanggapan nina Gov. Hermogenes Ebdane at Botolan Mayor Doris Maniquiz-Jeresano para ipawalang bisa ang Environmental Compliance Certificate ng mga quarrying companies ngunit nagtataka sila kung bakit patuloy pa rin ang operasyon.
Sa ngayon, nakararanas ang mga residente ng pagtaas ng sea water level na umaabot ng 10 hanggang 12 metro at nagiging maalat na rin ang tubig na kanilang iniinom.
Kaugnay nito, hiniling ng naturang grupo sa DILG, Ombudsman, NBI, at Philippine Coast Guard na imbestigahan ang illegal quarrying sa Zambales.