MA at PA
ni Rommel Placente
HINDI pala pinangarap ni Coco Martin na mag-artista. Pero dala ng kahirapan, naisipan na rin niyang pasukin ang showbiz.
At ngayon nga na isang sikat na aktor na siya, kaya maayos na ang kanilang pamumuhay at super yaman na siya.
“Sabi ko nga, hindi ko naman pinangarap maging artista. Siguro sa pakikipagsapalaran, sa kahirapan ng buhay noong nakakita ako ng oportunidad na rito ako kikita, sinamantala ko ‘yung pagkakataon.
“Hindi ko talaga siya tinitingnan na parang gusto ko talagang maging artista, basta ang tingin ko dati raket lang ito, basta kikita ako, titirahin ko iyan,” sabi ni Coco sa mediacon ng bago niyang serye na FPJ’s Batang Quiapo na napapanood na sa Kapamilya Channel. A2Z at TV5.
Pagpapatuloy pa ni Coco: “Pero noong nakita ko na hindi na siya raket, noong napamahal na sa akin ‘yung trabaho ko, nakita ko na parang may oportunidad pala na maging totoo siyang hanapbuhay. Kaya pinahalagahan ko siya at talagang nakinig ako, inaral ko kung paano talaga maging propesyon itong bagay na ito.”
Hindi lang artista si Coco kundi isa na rin siyang direktor. Isa nga siya sa katuwang ni direk Malu Sevilla sa pgdidirehe ng Batang Quiapo.
“’Yung pagiging direktor, siguro sa pagiging interes ko sa mundong ginagalawan ko o sa industriyang ito hindi ko namamalayan na ‘yung mga panahon na nagsisimula ako,” sabi pa ni Coco.
Walang formal training sa pagdidirehe si Coco. Natutunan lang niya ang lahat dahil sa panoood niya sa mga taong nasa likod ng camera. Sila ang nakaimpluwensiya para pasukin niya ang mundo ng pagdidirehe.
“Hindi kasi ako ‘yung tipo ng artista na nakatambay sa tent at makikipagkuwentuhan sa mga kapwa artista ko. Mahilig ako na nasa labas, ang kakuwentuhan ko ‘yung mga staff at cameraman.
“Tapos lagi akong nakikinig kung paano nagbibigay instruction ‘yung direktor, pati ‘yung mga writer kung paano nila binubuo ‘yung script at ‘yung kuwento. Hindi ko namamalayan na nakakapag-aral na pala ako noon, dahan-dahan,” aniya pa.