INARESTO ng mga awtoridad ang dalawang lalaking naaktohang nagkakatay ng mga aso sa lungsod ng Gapan, sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ang mga suspek na pinaniniwalaang mga dog meat trader na sina Ramon Garces at Antonio Pacunla, kapwa residente sa Brgy. Mangino, sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat, sinabing naaktohan mismo ng mga tauhan ng Animal Kingdom Foundation at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang magbayaw na nagpapakulo ng tubig gayondin ang dalawang aso na wala nang buhay at inalisan ng mga lamang loob.
Nakita sa lugar ang mga gamit ng magbayaw sa pagkakatay at pagluluto ng aso na kanilang ibinebenta sa mga parokyano kapag may okasyon.
Samantala, naisalba ang isang aso na nakapilang kakatayin at dinala sa rehabilitation rescue center ng AKF sa Capas, Tarlac.
Matagal nang minamanmanan ng AKF ang pagkakatay ng mga aso sa barangay, kung saan tatlo hanggang limang aso ang kinakatay ng mga nasabing dog meat trader kada araw.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act ang mga suspek na pansamantalang inilagay sa kustodiya ng Gapan CPS. (MICKA BAUTISTA)