UMAAPELA sina dating DOE Undersecretary Eduardo Mañalac at ang National Movement for the West Philippine Sea (NYMWPS) ngayong Lunes, 13 Febrero, kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na tapusin na ang Service Contract 38 ng Malampaya project kapag napaso ito sa taong 2024.
Kasalukuyang pinatatakbo ang Malampaya project ng Prime Infrastructure Capital na pag-aari ni Enrique Razon, Jr., at ng Udenna, na pag-aari ni Dennis Uy.
Hiniling ni Mañalac at ng NYMWPS kay FM Jr., na ilipat sa Philippine National Oil Company (PNOC) ang pagpapatakbo ng Deepwater Gas-to-Power Project.
Itinatag ang PNOC noong 1973 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., para sa ‘take over’ ng operasyon matapos mapaso ang kontrata.
Sa pahayag na inilabas ng NYMWPS matapos ang online conference nitong 9 Febrero, sinabi ni Mañalac, ang prosesong ito ay sadyang maglilipat ng direktang kontrol ng gobyerno sa operasyon ng Malampaya.
Aniya, tataas rin ang kita ng proyektong ito para sa mga Filipino, na sa kasalukuyan ay nalulugi nang bilyon-bilyong piso dahil sa mga pribadong kompanyang hindi kalipikado.
Sa kasalukuyan, kumikita ang Udenna at Prime Infra ng P50 milyon o pinagsamang P100 milyon kada araw mula sa Malampaya gas, ang parehong halagang maaaring kitain ng pamahalaan kung aakuin ang kontrol sa operasyon.
Nakasaad sa mandato ng Presidential Decree No. 87 o ang Oil Exploration Act of 1972 na ang mga nasabing gawain ay dapat makasegurong publiko ang makikinabang.
Isinasaad din sa PD 87 na tanging mga kompanya lamang na mayroong kakayahang teknikal at pinansiyal ang maaaring bigyan ng kontrata.
Nauna nang kinuwestiyon ni Mañalac at ng NYMWPS ang mga prosesong dinaanan ng Prime Infra at Udenna upang makuha ang interes ng Malampaya mula sa Shell at Chevron dahil ang dalawang kompanya ay walang teknikal na kakayahang magpatakbo ng gas field.
Kinokontrol ng Prime Infra at Udenna ang tig-45% o ang kabuuang 90% ng shares ng Malampaya, habang hawak ng PNOC ang natitirang 10%.
Pinupunan ng Malampaya ang 20% na pangangailangan sa koryente ng Luzon, ang pinakamalaki sa tatlong pangunahing isla ng Filipinas.