BINIGYANG DIIN ni Gob. Daniel Fernando ang kaniyang pagnanais na paigtingin ang National Immunization Program (NIP) sa Bulacan at ginagarantiyahan ang pagbibigay ng libreng medical mission sa isinagawang Local Chief Executives (LCEs) Symposium on 2023 Measles, Rubella – Oral Polio Vaccine Immunization Activity (MR OPV SIA) and Reaching Every Purok Strategy program na pinangunahan ng Department of Health – Center for Health Development na ginanap sa Marriott Hotel, Clark Freeport Zone, Mabalacat, Pampanga kamakailan.
Sa kaniyang mensahe, isinulong ni Fernando ang walang tigil na pagsasagawa ng medical mission sa lalawigan kabilang ang mga nasa malalayong lugar kasabay ng pagbibigay ng awareness lecture at aktibong pagtuturo sa kalusugan sa mga komunidad pati na rin ang kahalagahan ng routine immunization at catch-up vaccinations sa mga bata.
“Mayroon po kaming 365 days of medical mission sa lalawigan ng Bulacan. We decided to put up ‘yong Damayang Filipino Movement, ito ‘yong Damayan sa Barangay. Sa totoo lang po talaga, maraming nasa laylayan ang hindi nakapupunta sa tanggapan natin at ‘yung iba talaga ay wala pong pera kaya ang ginagawa po namin talaga sa Bulacan ay pinupuntahan po namin sila, especially ‘yong mga walang kakayahan magpa-check-up. Tuloy-tuloy po itong aming medical mission, dala ang mga gamot. Kailangan natin silang maabot; kailangan nila ‘yong kalinga natin. At sa ngalan po ng Governor’s League, mga gobernador dito sa Region III, ay handa pong sumuporta sa layunin ng programang ito,” anang gobernador.
Ayon din sa Provincial Health Office – Public Health, halos tatlong milyong bata edad limang taon pababa ang madaling kapitan ng tigdas sa buong bansa at ang inaasahang bilang ay lumagpas na sa birth cohort, na nagpapahiwatig na ang paglaganap ng tigdas ay maaaring mangyari nang mas maagang panahon.
Kaugnay nito, mahigpit na tinututukan ni Fernando na makapagsagawa ang lalawigan ng tuloy-tuloy at walang patid na weekly routine immunization services sa mga Rural Health Units at Barangay Health Stations maging ang pagbibigay kaalaman sa mga Bulakenyo lalo sa mga magulang hinggil sa kahalagahan ng pagbabakuna at pagtitiyak nito para sa kanilang mga anak.
Ipinag-utos din ng gobernador sa PHO-PH na magsagawa ng supportive supervisory visit mula buwan ng Febrero hanggang Abril para sa monitoring activities upang matiyak na ang bawat lungsod at munisipalidad ay nakasusunod at matukoy ang kalakasan/kahinaan, mga pagkukulang at pagsubok sa implementasyon ng NIP upang makamit ng lalawigan ang 95% target ng Fully Immunized Child (FIC). (MICKA BAUTISTA)